2,809 total views
Naglaan ang European Union (EU) ng donasyon na 500,000-Euros o katumbas ng 30.3-milyong pisong tulong para sa mga biktima ng pananalsa ng bagyong Egay.
Kabilang sa mga paglalaanan ng donasyon ay ang pamamahahagi ng malinis na inuming tubig, hygiene kits, kagamitan sa pagkukumpuni ng mga nasirang kabahayan at iba pang pangangailangan na mahalaga para sa mga nasalanta ng bagyo.
Ayon kay EU Commissioner for Crisis Management Janez Lenarčič, ang tulong ay pakikiisa ng komisyon sa mga Pilipinong nakaranas ng sakuna higit na para sa mga nawalan ng tahanan.
“We have initiated emergency relief efforts in close collaboration with our humanitarian partners to aid those affected during this challenging period. These efforts will complement and be done in coordination with ongoing national and local relief efforts,” ayon sa mensaheng ipinadala ng EU sa Radio Veritas.
Tiniyak rin ng komisyon ang pagkakaroon ng mga katuwang na ahensya na magpapagaan sa dinaranas na hirap ng mamamayang napinsala ng mga bagyo sa bansa.
Sa datos, sa pagsimula ng humanitarian aid ng EU sa Pilipinas noong 1966 ay umaabot na sa 158-million euros ang naipamahagi nitong tulong sa Pilipinas.
Umaabot na rin sa bilyong piso ang halaga ng pinsalang idinulot ng bagyong Egay sa sektor ng agrikultura at imprastraktura.