2,985 total views
Hiniling ni Latin Patriarch of Jerusalem Cardinal Pierbattista Pizzaballa sa mga diyosesis ng Holy Land ang pagkakaroon ng Eucharistic adoration para sa kapayapaan sng Middle East.
Ito ang panawagan ng cardinal kasunod ng nagpapatuloy na kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas militant group sa Gaza.
Binigyang diin nito na bukod tanging mga panalangin at paglulhog sa Panginoon ang inaasahan ng bawat isa upang mapagtagumpayan ang karahasan at tuluyang manaig sa lipunan ang kapayapaan at pagkakaisa.
“We ask that on Tuesday, October 17, everyone hold a day of fasting, abstinence, and prayer. Let us organize prayer times with Eucharistic adoration and with recitation of the Rosary to Our Blessed Virgin Mary,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Pizzaballa.
Hinikayat ng pinunong pastol ng Jerusalem ang mga parokya at religious communities sa pagsasagawa ng gawain sa kani-kanilang komunidad lalo’t hindi pinahihintulutan ang malakihang pagtitipon sa Israel dahil sa banta ng seguridad.
October 7 nang sumiklab ang kaguluhan sa bansa nang lusubin ng militanteng Hamas ang isang lugar sa Israel dahilan upang magdeklara ng digmaan ang bansa laban sa mga militante.
Batay sa pinakahuling datos mahigit na sa 2, 000 indibidwal ang nasawi sa magkabilang panig kabilang na rito ang dalawang Overseas Filipino Worker na nagtatrabaho sa Israel habang mahigit 5, 000 ang nasugatan.
Una nang sinabi ng mga Pilipinong misyonero sa Holy Land ang tuloy-tuloy na pagdaraos ng Banal na Misa sa kanilang mga komunidad para sa natatanging intensyon na kapayapaan ng Israel at Gaza at ang kaliwanagan ng isip ng mga lider na magkasundo sa ikabubuti ng mamamayan.
Samantala mahigit naman sa 50 Pilipino na kasapi ng Israel Defense Force ang kabilang sa humaharap sa digmaan kaya’t hiniling din ang mga panalangin para sa kaligtasan ng bawat isa.