462 total views
Ang pag-aalay ni Hesus ng kanyang sariling katawan at dugo ay isang halimbawa sa sakripisyo ng mga ama ng bawat tahanan.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Raymond Daniel Cruz, Jr. kaugnay sa paggunita ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon at ng Father’s Day o Araw ng mga Ama.
Ayon kay Cruz, kung ang bautismo ang pinakamahalagang sakramento ang Banal na Eukaristiya naman ang ang pinakamahusay at pinakakinakailangan ng tao.
Paliwanag ni Cruz, kumpara sa anumang bagay o yaman ay mas higit na dapat bigyang pagkilala ang mga sakripisyo at pagsusumikap ng bawat ama na maibigay ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Pagbabahagi ni Cruz, ang sarili at ang wagas na pagmamahal sa pamilya tulad ng pagmamahal ng Panginoong Hesus ang dapat na mangibabaw hindi lamang sa pagitan ng relasyon sa pamilya kundi maging sa buong sangkatauhan.
“Sinabi po ni St. Thomas na ang Baptism ang pinaka necessary na sacrament ngunit ang Holy Eucharist ang most excellent. Ito ay dahil ibinigay ni Hesus ang sarili niyang katawan at dugo sa atin. He gave Himself to us as a person. Sa ating pagbati sa mga ama ngayon dahil Father’s Day, iyon din ang dapat maging halimbawa. Hindi ang pagbibigay ng bagay o yaman ang mahalaga ngunit ang pagbibigay nating mga ama ng mga buhay natin para sa ating mga pamilya. If we give the gift of our person, a loving relationship and our caring protection and provision, that is the “most excellent” reason why today can be called a Happy Father’s Day.” pahayag ni Cruz sa panayam sa Radio Veritas.
Hinikayat naman ni Cruz ang bawat isa na sa pagtanggap ng katawan at dugo ni Hesus ngayong Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon ay isama sa pananalangin ang kapakanan ng bawat ama na patuloy ang determinasyon at pagsasakripisyo para sa kanyang pamilya.
“As we receive today the gift of Jesus’ body and blood, let us pray as fathers to be given the grace to continue “the giving of ourselves” to our spouses and children, loving them as a sign and sacrament of God’s love for all His children.” Dagdag pa ni Cruz.
Unang umapela ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa bawat mananampalataya na sa pagtanggap ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo ay dapat na isabuhay din ang diwa ng pagmamalasakit at habag na naranasan mula sa Panginoon tungo sa kapwa.