173 total views
Tiniyak ng pamunuan ng European Union sa Pilipinas ang pagpapalakas sa programang edukasyon sa mga kabataang Filipino na nais makapagtapos ng pag-aaral sa ibayong dagat.
Ayon kay Mr. Thomas Wiersing, Chargé d’Affaires ng EU Delegation to the Philippines, patuloy nitong hinihimok ang mga Filipino na bigyang pagkakataon ang oportunidad na makapag-aral sa Europa sa tulong ng Erasmus+ program, Marie Curie at iba pa.
“We [EU] are very committed to have as many students as possible,” pahayag ni Weirsing sa Radio Veritas.
Sa ika – 26 ng Oktubre ay ilulunsad ang European Higher Education Fair 2019 sa Shangri-La Plaza kung saan tampok dito ang mahigit sa 30 unibersidad at Higher Education Institutions ng Europa na maaring papasukan ng mga Filipinong nais maging bahagi ng Erasmus+ program ng EU.
Kabilang sa mga bansa na bukas para sa mga mag-aaral ang Belgium, Czech Republic, Denmark, Finland, France, Germany, Hungary, Italy, The Netherlands, Sweden, Spain, at Austria.
THE SCHOLARS
Sa testimonyang ibinahagi ni Kent Tangcalagan, MA, MHSS, RN, isa sa 66 na Erasmus Mundus scholar ngayong taon ay labis ang pasasalamat nito sa EU sa pagkakataong ibinigay mapalago ang karunungan na makatutulong sa pagpayabong sa trabahong pinili.
“The prestige of the Erasmus Mundos program is very identified by most professionals especially sa development sector,” ani ni Tangcalagan sa Radio Veritas.
Pinasalamatan din nito ang E-U sa paggabay habang nag-aplay ito bilang scholar sa pamamagitan ng mga rekomendasyon at sa malaking oportunidad para sa mga Filipino.
“Thank you for giving Filipinos and other developiong countries this opportunity to have this excellent form of education abroad,” saad pa ni Tangcalagan.
Ilan sa mga unibersidad na pinasukan nito ay ang University of Budapest sa Hungary, University of Regensburg sa Germany at University of Trento sa Italy kung saan nagtapos din ito bilang Summa Cum Laude – Erasmus Mundus Joint Master Degree.
Sinabi naman ni Dr. Michael Campued na ang pagiging scholar ng Erasmus at pag-aaral sa Europa ay nakatulong sa kanyang propesyon upang higit pang pagbutihin at pag-alabin ang paglilingkod sa mamamayan.
“I feel like my exposure here afforded me with that level of confidence because I saw that we as Filipinos really do perform in European countries and European Higher Education Institutions,” ayon kay Dr. Campued.
Umaasa itong ipagpatuloy ng European Union ang pamumuhunan sa edukasyon bilang pamamaraan ng pagpatibay ng relasyon ng Pilipinas sa ibang mga bansa at mapalalim ang kamalayan sa etikal na pamamaraan at malalim na kamalayan sa mga panlipunang katarungan.
Tema ngayong EHEF 2019 ang Study in Europe: Eur Journey to Excellence bilang pagtatanghal sa dekalidad na edukasyon na magbubukas ng mas malawak na oportunidad ng bawat magsipagtapos.
Sa kabuuan umabot na sa higit 400 Filipino ang nagtagumpay sa Erasmus+ na nakatulong sa kanilang piniling trabaho.