2,221 total views
Ilulunsad sa bansa sa kauna-unahang pagkakataon ang European Village festival.
Ito ay inisyatibo ng Delegation of the European Union to the Philippines kasabay ng founding anniversary ng EU na gaganapin sa May 27 at 28, 2023.
Ayon kay Dr. Ana Isabel Sánchez Ruiz, Deputy Head of Delegation ng EU sa Pilipinas, layunin ng proyekto na maitampok at maibahagi sa mga Pilipino ang iba’t ibang kultura ng Europa.
“The essence of the Euro Village is to make these vibrant and diverse cultures accessible to the reach of Filipinos and to open up markets and trade opportunities,” bahagi ng pahayag ni Ruiz.
Tampok sa dalawang araw ng pagtitipon sa Capitol Commons sa Pasig City ang mga sining, musika, pagkain, mga produkto at iba pang kultura ng mga bansa sa Europa.
Kabilang sa lalahok sa Euro Village ang Belgium, Czech Republic, Denmark, Germany, Spain, France, Italy, Hungary, the Netherlands, Austria, Romania, Poland at Finland habang itatampok din ang ilang kultura ng Ukraine bilang pakikiisa sa bansa na patuloy sa pakikipaglaban sa pananakop ng Russia.
Bubuksan sa publiko ang Euro Village tuwing alas kuwatro ng hapon hanggang alas dose ng hatinggabi kung saan matutunghayan ang European music, fantastic mimes at buskers.
“Through this project, we also hope to give a glance at the cultural diversity of the European Union,” pahayag ni Ruiz.
Katuwang din ng EU sa pagtitipon ang Green Space, Scholars of Sustenance Philippines at EcoNest upang matiyak ang kalinisan habang isinasagawa ang Euro Village festival.