2,082 total views
Ito ang mensahe ni Bishop Ruperto Santos makaraang italaga ng Santo Papa Francisco bilang bagong obispo ng Diocese of Antipolo kasunod ng pagretiro ni Bishop Francisco De Leon.
Ayon sa Obispo, bilang lingkod ng Panginoon at katuwang sa misyon ni Hesus sa sanlibutan ay buong kababaang loob na tinanggap ang panibagong tungkuling pagpapastol sa mahigit tatlong milyong katolikong sakop ng diyosesis.
“God continues to call us. God is always trustful and always confidence in us, no matter how unworthy we are. We just have to respond, give our unconditional yes and God will do the rest,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Sa halos apat na dekadang pagiging pari at 13 taong obispo ay pinasalamatan ng obispo ang Panginoon sa patuloy na paggabay upang magampanan ang mga gawaing iniatang bilang pastol sa sambayanan.
Humingi rin ng paumanhin si Bishop Santos sa mga pagkakataong may pagkukulang o may mga nasasaktan sa kanyang pamamahala at iginiit na ito ay bahagi lamang ng kanyang gawaing pagpapastol.
“Please pardon my shortcomings. Forgive me whenever I have hurt or burden. I have no intentions to harm but only to help and to shepherd you all,” ani ng obispo.
May 24 ng hirangin ng Vatican si Bishop Santos bilang ikalimang obispo ng Antipolo makaraang maabot ni Bishop De Leon ang mandatory retirement age na 75 taong gulang batay sa isinasaad sa canon law [Can. 401].
Si Bishop Santos ay naordinahang pari ng Archdiocese of Manila noong September 10, 1983 kung saan ilan sa mga assignment nito ang Immaculate Conception sa Pasig, chaplain ng Pasig Catholic College at kura paroko sa Maybunga.
Kumuha ng licentiate ng history sa Pontifical Gregorian University sa Roma at naging professor ng Church history sa San Carlos Seminary habang naging rector at superior ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma bago italagang obispo ng Balanga noong April 1, 2010.
Hiling ni Bishop Santos sa mananampalataya ang patuloy na pananalangin para sa kanyang bagong misyon sa diyosesis na binubuo ng lalawigan ng Rizal at Marikina City.
“Please help me with your prayers. Remember me always at the altar of our Lord. Intercede me to our Blessed Mother Mary that episcopal ministry be like her: peace, good and full of grace,” saad ni Bishop Santos.