297 total views
Kailangan pag-aralang mabuti ng pamahalaan ang pagbibigay ng executive clemency sa mga bilanggo.
Ayon kay Kalookan Bishop emeritus Deogracias Iniguez, dapat karapat-dapat ang clemency sa bilanggo na tunay ng nagbago.
Sinabi ng obispo na kinakailangan na ibigay ito sa mga magiging inspirasyon ng kanilang pamilya at maging ng lipunan.
Ito ay upang hindi na madagdagan pa ang panganib sa mamamayan.
“Tayo ay mga makasalanan meron tayong ibat-ibang mga pagkukulang in different degrees at ang state naman ay may karapatan na mag-imposed ng penalty para mabago at para mapa-deter ang sinira ng kasamaan, pero ang parusang ito dapat magtungo rin sa pagbabago nung nagkasala, kaya ang Simbahan ay in favor sa clemency for those who have been sentence pero sana itong clemency ipagkuloob doon sa mga alam nating they deserve it mapapakinabangan nila para sa kanilang patuloy na pagbabago pero dapat ding pangalagaan ng estado yung mga tumangap ng clemency na talagang manatili na sila sa righteousness o yung nagbago na talaga sila,” pahayag ni Bishop Iniguez sa panayam ng Radio Veritas.
Inaasahan ang pagkakaloob ni Pangulong Duterte ng Presidential Pardon at executive clemency sa mga higit 80-taong gulang na mga bilanggo at mga nakapag-silbi na ng 40-taon sa kanilang sintensya, kung saan bukod sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga mapipiling bilanggo ay isang paraan rin ito upang mapaluwag ang mga bilanguan sa bansa.
Sa kasalukuyan, batay sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) aabot na sa higit 100,000 ang bilang ng mga bilango sa higit 400 kulungan sa buong bansa na nakalaan lamang para sa 26,000 preso.
Samantala, unang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na bukod sa parusang kamatayan, hindi rin ito sang-ayon sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na ayon sa kaniya ay labag sa dignidad ng tao at pagkakaroon ng pangalawang pagkakataon na magbagong buhay.