177 total views
Pinuri at pinasalamatan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtupad nito sa isa sa kanyang mga pangako noong panahon ng kampanya na paglagda sa Executive Order kaugnay ng Freedom of Information.
Ayon kay Bishop Pabillo, malaki ang maitutulong ng naging paninindigan ng Pangulo upang tuluyang maisabatas ang panukalang Freedom of Information na layuning maibalik ang kredibilidad sa pamamahala ng mga opisyal ng bayan na higit dalawang dekada nang hindi naipapasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado.
“Yun po ay magandang balita na pinanindigan ng Presidente ang isa sa mga pangako niya nung siya ay nangangampanya na kapag siya ay mahalal na Presidente ay ipapatupad ang FOI kahit na Executive Order lamang. Maraming salamat diyan at maraming salamat din kasi matagal na natin itong ipinaglalaban na magkaroon ng transparency sa governance at ang FOI ay isang paraan para magka-transparency sa governance…” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, iginiit ng Obispo na dapat magsilbing hamon para sa mga mambabatas partikular na sa mababang Kapulungan ng Kongreso ang naging inisyatibo at pangunguna ng Pangulo sa pagpapatupad ng naturang panukala para tuluyang masugpo ang katiwalian sa pamahalaan.
“Ito’y isang hamon rin sa mga pulitiko, lalong-lalo na sa Congress na siyang humaharang nitong FOI na nakaraan yung lower house na hindi makapasa dito. Ito’y isang dapat panawagan sa kanila na gumawa na ng legislation, ng batas, ng RA, hindi lang sapat ang EO o Executive Order, kailangan din natin ng R.A o Republic Act na maging batas talaga ang FOI para ito ay mananatili…” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Lumabas sa SWS survey noong nakalipas na taon na 56- porsyento ng mga business executives sa bansa ang nagsasabing talamak na ang kurapsyon sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan, sa pangunguna ng Bureau of Customs, Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso.