192 total views
Lalo pang palalawakin ang sakop ng “Freedom of Information Bill” hindi lamang sa executive branch ng pamahalaan.
Hindi kuntento si Senador Grace Poe sa executive order sa FOI na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sakop lamang nito ang lahat ng departamento sa ilalim ng executive branch kabilang na ang mga government controlled corporations at state universities.
Hiniling ni Poe sa kapwa mambabatas na suportahan ang pagpapalawak ng FOI bill sa legislative at judiciary gayundin ang mabilis na pagsasabatas nito.
“Siyempre nagpapasalamat tayo na at least mayroon isang hakbang pero isang branch lang ito ng gobyerno marami pa diyan na kailangang kasama yung legislative at tsaka yung judiciary. Hinihiling ko sana kasing bilis rin ng ating Pangulo na pirmahan ito. Sana ganoon din kabilis ang paghikayat sa kongreso na ipasa ito na maging isang malinaw na batas,” pahayag ni Sen. Poe sa panayam ng Veritas Patrol.
Matatandaang bigong maisabatas ang FOI bill sa loob ng anim na taong termino ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika matapat na hinihimok ang mga lingkod bayan sa pamahalaan na maging tapat sa kanilangs serbisyo sa taumbayan.