1,984 total views
Inilunsad ng Caritas Philippines ang Expanded Alay Kapwa Fund Campaign upang paigtingin ang suporta sa isinusulong na 7 Alay Kapwa Legacy Program.
Ayon kay Caritas Philippines executive director Fr. Tony Labiao, Jr, nagmula ang konsepto ng Alay Kapwa na isinasagawa tuwing Kuwaresma o Linggo ng Palaspas upang makakalap ng tulong para sa mga mahihirap na pamilya.
Paliwanag ni Fr. Labiao na pinalawak at pinalawig ito ng humanitarian at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa buong taon upang maipagpatuloy ang pagtugon sa pangangailangan ng bawat mamamayan sa iba’t ibang aspeto.
Layon ng Caritas Philippines na makahanap ng isang milyong donors na makapagbibigay ng hindi bababa sa 500-piso bawat taon.
“Marami tayong kapwa na nangangailangan. Kailangan tayong mag-alay, magmalasakit, magbigay. Ito ‘yung panawagan natin na bawat isa sa atin, mayroon talagang maibibigay. Ngayon ang importante, hindi ‘yung sa amount or number pero dapat ang ating pagbibigay at pag-aalay ay manggaling sa puso na nagpapasalamat sa Diyos,” pahayag ni Fr. Labiao sa panayam ng Radio Veritas.
Nahahati ang Alay Kapwa Legacy Program sa pitong aspeto, ito ay ang Alay Kapwa para sa Karunungan; Alay Kapwa Para sa Kalusugan; Alay Kapwa sa Kasanayan; at Alay Kapwa para sa Katugunan sa Kalamidad; Alay Kapwa para sa Kabuhayan; Alay Kapwa para sa Katarungan at Kapayapaan; at Alay Kapwa para sa Kalikasan.
Umaasa naman si Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na sa pamamagitan ng fund campaign ay madaragdagan pa ang makakatuwang ng institusyon sa paghahatid ng tulong at suporta sa mga higit na nangangailangan.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na ang 500-milyong piso o higit pa na malilikha mula sa pagtutulungan ng bawat isa’y malaking bagay na upang matustusan ang pitong programa ng Alay Kapwa, batay sa pangangailangan ng mahihirap na sektor ng lipunan.
“Malaki po ang magiging contribution at magagawa ng ating 500 pesos sa 7 Legacy Programs ng ating Alay Kapwa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines. Mag-alay kapwa po tayo, makibahagi, magmalasakit. Ito po ang ating alay kapwa para sa ating mga kababayang naghihirap at nasa laylayan ng ating lipunan,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Ginanap ang paglulunsad sa Expanded Alay Kapwa Fund Campaign sa Intramuros, Manila kasama sina Bishop Bagaforo, Fr. Labiao, Caritas Philippines consultant Fr. Tito Caluag, at mga kawani at opisyal ng institusyon.