214 total views
Nagpaabot ng pasasalamat sa international media organization na Reuters si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity sa paglalabas nito ng special report na naglalaman ng CCTV footage ng mga naganap sa operasyon ng 15-pulis Maynila sa Barangay 19 Tondo Manila noong ika-11 ng Oktubre.
Ayon sa Obispo, ang ginawang paglalabas ng Reuters sa naturang video na isang malakas na ebidensya sa marahas na implementasyon ng mga pulis sa kampanya laban sa illegal na droga ay isang pagpapakita ng paninindigan sa tapat na pamamahayag upang mailabas ang katotohanan.
Binigyang diin ni Bishop Pabillo na hindi katanggap-tanggap at nakakagalit ang patuloy na pagpatay at marahas na operasyon ng mga pulis laban sa mga pinaghihinalaan pa lamang na mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot ng hindi dumadaan sa tamang proseso ng batas.
“salamat sa special report ng Reuters kasi dito pinaninindigan ng mga mamamahayag ang paghahanap ng katotohanan at sana makita na natin nandiyan ang ebidensya, nandiyan yung video na talagang pagpapatay ng mga pulis at yan ay talagang nakakagalit, patuloy pa rin pala yung pagpapatay ng mga pulis sa mga pinaghihinalaan hindi pa totoo na sila ay mga adik na basta na lang pinapatay at ang sinasabi pang nanlaban at yan ay isang talagang pahayag na hindi totoo yung sinasabi nilang nanlaban kasi talagang pinatay sila…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Nangyari ang insidente noong ika – 11 ng Oktubre sa Barangay 19, Tondo Manila isang araw matapos na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilipat na sa pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga operasyon kontra illegal na droga.
Sa inilabas na video ng Reuters makikita ang pagdating ng 15 kagawad ng Manila Police District kung saan matapos na mapaalis ang mga tao na nasa eskinita ay saka naganap ang engkwentro kung saan makikita ang pagbagsak ng isa sa mga hinihinalang drug user.
Bukod dito, lumabas rin sa isinapublikong video ng Reuters na hindi nagtutugma ang pahayag ng mga pulis na agad nilang isinugod sa ospital ang mga suspect na taliwas sa nasa video na nagpapakita na umabot pa ng halos 25-minuto bago isinakay ng mga pulis ang katawan ng tatlo sa isang pedeicab at isinugod sa ospital.
Samantala umapela narin sa pamunuan ng Philippine National Police ang Commission on Human Rights upang bigyan ng naangkop na pagtugon sa marahas na operasyon ng 15-pulis Maynila sa Barangay 19 Tondo Manila na nakuhanan ng CCTV Camera.
Ayon kay Atty. Jacqueline Ann De Guia – tagapagsalita ng CHR dapat na matiyak ng PNP na hindi maiimpluwensyahan ng mga pulis na sangkot sa insidente ang isinasagawang imbestigasyon upang mabigyang katarungan at malaman ang katotohanan sa pagkakapatay sa tatlong pinaghihinalaang drug user sa lugar.