567 total views
Naging mabunga ang unang linggo ng general conference ng Federation of Asian Bishops Conference sa Bangkok Thailand.
Ayon kay CBCP – Pontificio Collegio Filippino chairperson Balanga Bishop Ruperto Santos, marami ang mga aral mula sa ulat ng mga diyosesis sa 29 na bansang kasapi ng F-A-B-C.
Batid ng obispo ang halos kaparehong suliranin na kinaharap ng simbahan sa bansa na pinagsumikapan ng mga pastol ng simbahang itaguyod sa kapakinabangan ng nasasakupang mananampalataya.
“We listened with open hearts to all those interesting and inspiring country reports. They are “lights and shadows.” But what stand up are encouraging and enlightening success stories amidst internal conflicts and crisis, man-made and natural calamities, and from this current Covid19 pandemic,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Tiniyak ng opisyal ng C-B-C-P na kahit sa pinakamapanganib na sitwasyon ng lipunan ay mananatiling bukas ang simbahan para tulungan ang mananampalataya lalo na ang mga maralita.
Inihalimbawa ni Bishop Santos ang pagkalinga ng simbahan sa bansa noong ipinatupad ang mahigpit na lockdown noong 2020 dahil sa COVID 19 pandemic kung saan milyong katao ang pansamantalang nawalan ng kabuhayan.
“On those difficult and trying times and dangerous situations, the Catholic Church is always there. She is available to help, to foster hope and to heal. She accompanies her people and accommodate all to serve and to save. The Catholic Church makes them feel that she is with them. And she does what is moral, ethical and salvific according to the mind and heart of her Lord Jesus Christ,” ani Bishop Santos.
Isa sa tampok na mga talakayan ng asian bishops ang resulta ng synodal consultations ng mga simbahan sa Asya gayundin ang pagtugon ng simbahan sa pandemya matapos isinara sa publiko ang religious gatherings upang makaiwas sa malakihang pagtitipon.
Sinimulan ang FABC General Conference noong October 12 at magtatapos sa October 30 na dinaluhan ng mahigit sa 200 obispo sa Asya.