204 total views
Binigyang diin ni NASSA/Caritas Philippines Executive Secretary Rev. Fr. Edu Gariguez ang kahalagahan ng mga ‘Faith Based Organization’ sa humanitarian response.
Kasabay ng isinagawang ‘Transforming Faith Into Action Forum sa Iglesia Filipina Independiente Conference Center sa lungsod ng Maynila katuwang ang National Council of Churches in the Philippines, Philippine Council of Ecumenical Churches, World Vision at Caritas Philippines, pinag-usapan ang pagkakaisa ng iba’t-ibang organisasyon ng mga Simbahan sa pagtugon sa oras ng kalamidad.
Ayon kay Fr. Gariguez, mahalaga ang papel ng mga Faith Based organization sa humanitarian response sapagkat kalakip ng pananampalataya ang pagtulong sa mga nangangailangan at naapektuhan ng kalamidad.
Giit ng Pari nararapat lamang na magkaisa ang mga Faith based Organization sa kabila ng magkakaibang pananampalataya.
“Higit sa bahagi ng pagtulong mas magiging epektibo [tayo] kung hindi natin titignan ang pagkakaiba natin sa pananampalataya kung paano tayo magtutulungan kahit iba-iba ang ating pananampalataya pero nagkakaisa tayo sa gawaing paglingkod.” ani Fr. Gargiuez.
Samantala, Inihayag ni Fr. Gariguez na magpapatuloy ang pagtulong ng Simbahang Katolika sa mga Muslim na apektado ng kaguluhan sa Marawi.
Aniya, bukod sa mga food at non-food items ay pinag-aaralan na ng Simbahan kung paano makatutugon sa bahagi ng psycho-social intervention sa mga Bakwits.
“Sa bahaging ito ay nakikipag ugnayan din po tayo sa ibang mga grupo na mas alam ang kultura ng Muslim para magkaroon din ng pagkakataon na mapatatag ang kanilang loob. Mahalaga din po ito sa Simbahan kasi mas higit na papel ng Simbahan ang pagbibigay ng pag-asa at hindi lang po pagbibigay ng bahay, pagkain kundi yung something intangible na mapalakas ang kanilang loob base sa kanilang pananampalataya” dagdag pa ng 2012 Goldman Enviromental Prize Awardee.
Magugunitang naging aktibo ang Simbahang Katolika sa pagtulong sa mga Muslim na naapektuhan ng kaguluhan sa Marawi kung saan umabot na sa mahigit 12 milyong piso ang pondo na inilaan nito sa Humanitarian Response.
Read:
Simbahan, naghatid ng tulong sa Marawi bakwits
Obispo ng Marawi, labis ang pasasalamat sa cash at rice donations ng Caritas Manila