251 total views
Nagkaisa ang Diocesan NLEX Task Force ng Diyosesis ng Novaliches kasama ang ilang kristiyanong denominasyon ng Quezon City para tiyakin ang karapatan ng mga residenteng maapektuhan sa C5 NLEX Segment 8.2 Project ng pamahalaan.
Katuwang ng grupo ang Church People – Urban Solidarity (CUPS), isang national land ecumenical group at iba pang grupo ng pananampalataya sa pakikipagdiyalogo at pakikiisa sa halos 30, 000 pamilya na mawawalan ng tirahan sa pagsisimula ng proyekto.
Ginanap ang Ecumenical gathering sa Cathedral Shrine and Parish of the Good Shepherd sa Fairview Quezon City na dinaluhan nina Novaliches Bihsop Roberto Gaa at mga kinatawan ng Episcopal Diocese of Central Philippines, UMC Manila Episcopal Area, at UCCP Middle Luzon Jurisdiction.
Layunin ng pagtitipon na higit maisulong ang karapatan at dignidad ng mga apektadong mamamayan at maipadama ang pagkilos ng simbahan at mga institusyon para sa kanilang kapakanan.
Tugma rin ito sa paksa ng simbahan ng Pilipinas na ‘Year of Ecumenism, Inter-religious Dialogue and Indigenous People’ kung saan binigyang pagpapahalaga ang pakikipag-usap bilang mabisang hakbang sa pagkakamit ng kapayapaan sa lipunan.
Itinatag ang Diocesan NLEX Task Force sa pangunguna ng Basic Ecclesial Community kasama ang mga Pari ng Diyosesis upang gabayan ang mananampalatayang apektado sa segment 8.2 ng NLEX na kabilang sa Build Build Build program ng administrasyong Duterte.
Sa mga pamahayag noon ng Kanyang Kabanalan Francisco, sinabi nitong dapat isaalang – alang ng mga namumuno sa bayan ang kapakanan at karapatan ng mga mamamayan lalo’t higit ang mga dukha sa mga pagpapaunlad na gagawin sa bayan.