173 total views
Ibibida ng mga kinatawan ng simbahang katolika sa Pilipinas ang kahalagahan ng ebanghelisasyon sa mga mahihirap na komunidad at naapektuhan ng kalamidad.
Kasabay ng isinasagawang World Mission Sunday Campaign sa Germany, ibabahagi ni NASSA/Caritas Philippines Executive Secretary Fr. Edu Gariguez ang kanilang karanasan sa kahalagahan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo kasabay ng pagtulong sa mga nangangailangan.
Naniniwala si Fr. Gariguez na ang pagbangon ng mga Pilipino mula sa epekto ng kalamidad ay nagmumula din sa kanilang pananampalataya at ispirituwal na pananalig.
“We noted that the resiliency of the Filipinos is really rooted on their faith. And we need to support the spiritual needs of the people to be able to really recover from the aftermath of such destruction,” Pahayag ni Fr. Gariguez.
Ang World Mission Sunday Campaign ay inorganisa ng Missio Aachen, isang German Catholic Agency na suportado ang mga programa ng Caritas Philippines para sa mga naapektuhan ng bagyong Yolanda sa Western Visayas at Palawan.
Bukod kay Fr. Gariguez ay dumalo din sa pagsisimula ng pagtitipon sina Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle at Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quivedo.
Magugunitang aabot sa 16 na milyong indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong yolanda sa Pilipinas kung saan patuloy pa din ang pagtulong dito ng simbahang katolika partikular na sa siyam na diyosesis sa bansa.