2,072 total views
Kinilala ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Comission on Public Affairs (CBCP-ECPA) ang paglulunsad ng Department of Tourism ng bagong slogan campaign na ‘Love The Philippines’.
Ayon kay Father Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP-ECPA, ipinapabatid sa mga turista ng bagong slogan ang pagmamahal ng mga Pilipino sa Pilipinas na hitik sa mga likas na yaman at magagandang tanawin.
“So ito ay isang pamamaraan ng pag-aadvertise ng ating bansa, our country is very beautiful and we really need to tell other people to come because this country of ours is a very beautiful country and a country that really caters to our brothers and sister maybe even outside of our own shores.” bahagi ng panayam ng Radio Veritas kay Father Secillano.
Naniniwala si Father Secillano na sa tulong din kampanya ay higit na mapapaigting ang Faith Tourism na isinusulong ng simbahang katolika.
Sinabi ng Pari na sa pagbisita ng mga turista ay higit na makikita ng buong mundo ang malalim na pananampalatayang katoliko sa bansa na umaabot na sa kalahating milenyo ang tanda.
“Yung faith tourism ang nakikita agad dito ay isang instrumento yung magagandang simbahan natin, itong mga simbahan na to ay mga pilgrimage sights, kumbaga very exquisite, exotic and then reflection talaga ng religiousity ng mga Pilipino, pwedeng pumunta dito, wether mga local or foreign pilgrims.” bahagi pa ng panayam ng Radio Veritas kay Father Secillano.
Ang bagong “Love The Philippines” campaign slogan ay inilunsad sa naging pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo sa pagkakatatag ng Department of Tourism kung saan hinimok ang mga Pilipino, Migranteng Pilipino at Overseas Filipino Workers na magsilbing tourism ambassadors ng sariling bansa upang makatulong sa pag-unlad ng turismo.
Pinalitan ng ‘Love The Philippines’ ang naunang slogan ng DOT na ‘It’s More Fun in the Philippines’ na unang inilunsand bilang tourism campaign ng Administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III na ginamit rin ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.