163 total views
Hinihikayat ng Department of Tourism ang mga Filipino na balikan ang pagdedebosyon sa pananampalatayang kanilang kinaaniban sa pamamagitan ng pagbisita sa mga banal at makasasayang lugar sa bansa.
Ayon kay Director Rebecca Villanueva-Labit, 95 porsiyento din ng mga kapistahan at pagdiriwang sa bansa ay nakaugat sa pananampalatayang Katoliko at maging sa ibang relihiyon.
“Makasaysayan ang pinagmulan ng Katolisismo at iba pang relihiyon. Philippine is so diversed in terms of religion at pinag-aaralan naming maigi how we will be able to put into the platform of tourism. Kailangan bumalik tayo sa pagiging devoted sa pananampalatayang pinaniniwalaan,” ayon kay Labit.
Tinukoy ni Labit na marami sa mga festival sa buong Pilipinas ay faith based.
“Sinulog, even the Pahiyas festival in Quezon, faith-based iyan ay ginagawa sa pasasalamat sa ating Patron sa si St. Isidore. So napakarami at mahaba ang istorya ang mga pinagmulan ng mga festival na ‘yan maging selebrasyon tulad ng Traslacion in devotion with the Nazarene.” Pahayag ni Labit
Noong Enero, umaabot sa 18 milyong katao ang nakiisa sa Traslacion ng Poong Hesus Nazareno maging sa pagdiriwang ng Santo Nino sa lalawigan ng Cebu.
Sinabi rin ni Labit na nakikipag-ugyanayan na rin ang kaniyang tanggapan sa mga simbahan sa bansa para mapasigla at mas makahikayat ng mga pilgrims lokal man at mga dayuhan na makilahok sa pagdiriwang na ito.
Ayon pa kay Labit ngayong Mayo ay nagsisimula na rin ang pagtutulungan ng simbahan at DoT para sa pagdiriwang ng ika-400 taon ng pagdating ng Our Lady of Mt. Carmel sa Pilipinas.
Una na ring inilunsad ng Basilica Minore de San Sebastian ang isasagawang pagdiriwang para sa ika-4 na sentenaryo ng pagdating ng Our Lady of Mount Carmel de San Sebastian sa Pilipinas.
Ayon kay Fr. Antonio Joy Zabala, rector at parish priest ng San Sebastian Church magkakaroon ng malaking pagdiriwang ang Our Lady of Mt. Carmel sa May 4, 2018 – sa pamamagitan ng fluvial procession.
Ito ay isang re-enactment ng pagdating ng orihinal na imahe ng Our Lady of Mt. Carmel noong 1618 ang unang iniluklok sa bagong bayan bago inilipat sa San Sebastian Church – bilang permanenteng luklukan ng imahe taong 1621.
Pangungunahan naman ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang misa sa Quirino Grandstand kasama si CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles.