29,275 total views
Nanindindagan ang Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern (AMLC) na dapat makamit ng mga manggagawa ang ‘family living wage’.
Paalala ito ng A-M-L-C kasunod ng pagsusulong ng mga mambabatas ng 100 hanggang 150-pesos na legislated wage hike na karagdagan sa kasalukuyang 610-pesos na minimum wage sa non-agriculture workers, 573-pesos sa agricultural workers at 573-pesos sa service o retail employees.
Iginiit ng Church based labor ministry na ang kasalukuyang pasahod sa mga manggagawa ay kulang na kulang sa family living wage na umaabot sa 1,311-pesos noong Pebrero 2024 upang makapamuhay ng may dignidad ang mga manggagawa.
“Bilang simbahan ng maralita (Church of the Poor) na siyang tagapagtaguyod ng hustisya at kapayapaan, na siya ring pinagbabatayan ng moralidad ng lipunan, dapat tayong magsilbing mabuting ehemplo sa pagbibigay ng dignidad sa mga mangagawa. Hindi sapat na sumusunod lamang tayo sa itinakda ng pamahalaan na antas ng pasahod at sabihin na wala na tayong alalahanin dahil sumusunod tayo sa batas. Tandaan natin na tayong nasa Simbahan ang laging nakamasid at nagpapaalala sa pamahalaan sa kanilang pagkukulang,” ayon sa mensahe ng AMLC.
Binigyan diin ng AMLC na ang tinatamasang suweldo ng mga manggagawa sa Pilipinas ay taliwas sa katuruan ng ensiklikal na Laborem Exercens ni Saint John Paull II na magiging makatarungan kung ang natatanggap na suweldo ng mga manggagawa ay sapat upang makasuporta sa kanilang pangangailangan at pamilya.
Hindi din kumbinsido ang AMLC sa pahayag ng business sector na maraming negosyo ang magsasara sa 100 o 150-pesos na legislated wage increase.
Tiniyak naman ng AMLC ang pinaigting na pakikiisa sa sektor ng mga manggagawa upang marinig ng lipunan at makakarating sa pamahalaan ang kanilang apela sa dinaranas na pasakit.
“Alam nating ang mga manggagawa ay nabibilang sa mga sinasabi ni Pope Francis na “the least, the last and the lost” at marapat lamang na nasa kanila ang pagpanig ng Simbahan. Isang hamon sa atin na piliting ipatupad ang “family living wage” sa ating hanay. Lagi natin tatandaan na ang pagsunod sa batas ng minimum wage ay ligal, subalit mas moral kung ating ipatutupad ang family living wage, ganito din ang ating panawagan sa mga negosyante sa ating bansa: Pahalagagan natin ang mga manggagawa na silang nagpapaunlad ng mga negosyo at ekonomiya at ang unang sukatan ng pagpapahalagang ito ay ang nakabubuhay na sweldo,” ayon pa sa mensahe ng AMLC.
Sa Senado, ay pasado na sa ikatlo at huling pagdinig ang Senate Bill No. 2534, o 100-pesos daily minimum wage increase for workers increase act habang patuloy na dinidinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang 150-pesos na wage hike