1,164 total views
Kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang namayapang tanyag na Filipino Theologian na si Fr. Catalino Arevalo, SJ.
Binigyang pugay ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David si Fr. Arevalo dahil sa malaking kontribusyon sa pagpapaunlad ng simbahang katolika sa Pilipinas at sa Asya sa pagiging dalubhasa sa teolohiya.
“We are very greatly indebted to Fr. [Catalino] Arevalo for his immense contribution he has made for the Philippine church.” ani Bishop David.
Pinasamalatan ng opisyal ang namayapang pari dahil sa pagbahagi ng talento at kaalaman sa paghubog ng mga lingkod ng simbahan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo lalo’t ito ang kauna-unahang Pilipinong nagturo sa Jesuit theologate sa Woodstock College sa Maryland USA at kauna-unahang Asyanong napabilang sa International Theological Commission sa Vatican.
Dahil dito, inaanyayahan ni Bishop David ang mga Heswita na tularan ang halimbawa ni Fr. Arevalo sa pagiging aktibong tagapagsulong ng mga programang magpapatatag sa pundasyon ng simbahan.
“I invite our other brother Jesuits Fathers especially the Theologians among them to continue to extend some service to the Philippine Church by serving also as our theological consultants it will be really greatly appreciated.” saad ni Bishop David.
Pumanaw ang pari sa edad na 97 taong gulang noong January 18 sa Jesuit Health and Wellness Center.
Sa halos pitong dekadang pagiging Heswitang pari pinamunuan nito ang iba’t ibang tanggapan ng mga Heswita kabilang na ang Loyola House of Studies at Loyola School of Theology kung saan nagturo ito hanggang 2010.
Kinilala si Fr. Arevalo bilang ‘Father of Asian Theology’ ng Federation of Asian Bishops’ Conferences dahil sa pagiging bahagi na maging buo ang organisasyon kung saan ito rin ang nagbalangkas sa kauna-unahang dokumento ng FABC na pinamagatang ‘Evangelization in Modern Day Asia’ na ginagamit hanggang sa kasalukuyan.
Taong 1997 nang gawaran din nito ng Pro Ecclesia et Pontifice award dahil sa natatanging paglilingkod sa simbahang katolika.
Inihatid sa huling hantungan si Fr. Arevalo nitong January 22 sa Province Cemetery ng mga Heswita sa Sacred Heart Novitiate sa Novaliches, Quezon City matapos ang isinagawang Banal na Misa sa Church of Gesu na pinangunahan ni Fr. Peter Pojol, S.J, ang Socius to the Provincial ng Society of Jesus sa Pilipinas.