1,876 total views
Binigyang pagkilala ng Philippine Carmelite Province of St. Titus Brandsma ang namayapang National Artist for Sculpture na si Prof. Napoleon “Billy” Veloso Abueva na kilala rin bilang “Father of Modern Philippine Sculpture”.
Iginawad sa namayapang Pambansang Alagad ng Sining ang Titus Brandsma Lifetime Achievement Award (Posthumous) sa pamamagitan ng kanyang anak na si Ms. Amihan Abueva na tumanggap ng pagkilala.
Ayon kay Rev. Rico P. Ponce, O.Carm. – Prior Provincial ng Order of Carmelites Philippine Province of St. Titus Brandsma, ang Titus Brandsma Lifetime Achievement Award kay Prof. Abueva ay pagkilala sa pakikiisa at pagsasabuhay nito sa paninindigan ni St. Titus Brandsma na pagtataguyod ng karapatang pantao at katotohanan sa lipunan.
“Ang award na ito ay napakahalaga po, unang una kinikilala natin si Prof. Abueva na kaisa sa hangarin at layunin ni St. Titus Brandsma para sa pagtaguyod ng karapatang pantao at si Prof. Abueva ay napakalapit na kaibigan sa Carmelites at kami ay naniniwala na siya ay kaisa din sa mga hangarin ni St. Titus… Kaya sa pagbigay ng award na ito ay kinikilala natin na maging inspirasyon din sa mga Filipino na tumayo at manindigan para sa karapatang pantao at para sa katotohanan.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Ponce.
Si Abueva ay tubong Tagbilaran Bohol at nagtapos sa UP College of Fine Arts na hinasa rin ng isa pang National Artist at iskultor ng Oblation na si Guillermo Tolentino.
Taong 1976 ng kinilala si Abueva bilang National Artist for Sculpture in the field of Visual Arts sa edad na 46-na taong gulang na pinakabatang kinilalang National Artist sa bansa.
Kabilang sa mga pangunahing likhang sining ni Abueva ang UP Gateway (1967), Nine Muses (1994) na matatagpuan sa UP Diliman Faculty Center, Celebration of Life sa UP Manila campus, Sunburst (1994) sa Peninsula Manila Hotel, ang bronze figure ni Teodoro M. Kalaw na nasa harap ng National Library, at mural na gawa sa marmol ng National Heroes Shrine, Mt. Samat, Bataan.
Likhang sining din ni Abueva ang Blood Compact Monument sa Bohol at ang disenyo ng mga door handles sa lahat ng National Museum galleries.