196 total views
Naging emosyonal si Father Teresito “Chito” Soganub, ang paring na hostage ng 116 na araw ng Maute, matapos mapabilang sa labindalawang nahugasan ang mga paa ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ayon kay Father Soganub, naantig ang kanyang damdamin dahil ang iba nitong mga kasama na sumisimbolo sa labindalawang alagad ni Hesus ay kapwa biktima ng paghihirap, at biktima rin ng giyera.
Pagbabahagi ng Pari, napaluha siya nang hinuhugasan ang kanyang mga paa dahil naramdaman niyang nalinisan ang kanyang pagkatao at nakaalis ito mula sa takot patungo sa Panginoon.
Dagdag pa ni Father Soganub, dito niya labis na naramdaman ang pagmamahal ng simbahan, sa pamamagitan ni Cardinal Tagle, na pangalagaan ang mga migrante, at refugees na biktima ng mga giyera, kahirapan, at pag-uusig.
“Napaiyak ako dahil touching para sa akin yung sagot ng ating simbahan lalong-lalo na si Cardinal at Santo Papa, si Pope Francis, na bigyan din ng pangangalaga yung mga taong biktima ng giyera, mga refugees, mga displaced persons kaya doon, napapaiyak ako dahil ganun pala na may malaki at malalim na pag-alala ang simbahan tulad namin na mga dumaan, nakaranas ng mga masakit na pangyayari sa aming buhay lalong lalo na sa mga biktima ng giyera, mga refugees at mga displaced people.” Pahayag ni Father Soganub sa panayam ng Radyo Veritas.
Inihayag rin ni Father Soganub, na mula sa lahat ng kanyang naranasang paghihirap at pakikibahagi sa misteryo ng hapis sa buhay ni Hesus, naging pinaka makahulugan para sa kanya ang pagtalima sa utos ng Panginoon.
Paliwanag ng Pari, nangangahulugan ito na iniaatas ng Diyos sa bawat mananampalataya na hanapin ang kapwa nating naghihirap, at ang mga nangangailangan ng tulong at pagkalinga.
“Ang pinaka makahulugan sa akin ay yung utos ng ating Panginoong Hesukristo, hinugasan ko ang paa ninyong mga apostoles, maghuhugasan po kayo, ibig sabihin hanapin talaga natin ang mga taong nasasakitan, ang mga taong naghihirap na kailangan na tulungan natin, lalong-lalo na yung sabi ni Cardinal na nilisan, umalis sila sa kanilang mga tahanan, umalis sila sa kanilang comfortable zones, umalis sila sa mga kinaroroonan nila para sa pagsagot sa pangangailangan ng buhay.” Pagbabahagi ni Father Soganub.
Ang ginawang pagpili ni Cardinal Tagle sa mga migrante, refugees, at displaced people na sumisimbolo sa labindalawang mga alagad ni Hesus ay bilang pagtugon sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Share the Journey Campaign, na pagpapakita ng pagmamahal at pakikilakbay sa kalbaryong dinaranas ng mga migrante sa iba’t-ibang panig ng daigdig.