12,983 total views
Iniaalay ng Federation of Free Workers ang paggunita ng Araw ng mga Banal at Kaluluwa sa mga yumaong pinuno ng simbahang katolika na sina Pope Leo the 13th at Saint Pope John Paul II.
Ayon kay Atty. Sonny Matula- Pangulo ng FFW, ito ay dahil sa pagsusulong ng mga dating santo papa sa kapakanan ng sektor ng mga manggagawa na makikita sa dokumento ng Laborem Exercens ni Saint John Paul na nagbibigay diin sa dignidad sa paggawa at ang Rerum Novarum na nakatulong naman na pabagsakin ang ditaturyang pamamahala sa Poland noong 1939.
GAyundin ang pag-alaala kina Johnny Tan, Fr. Walter Hogan SJ, at Ramon Jabar na mga pastol at lingkod ng simbahan na nag-alay ng kanilang buhay sa pakikiisa sa mga manggagawa at panawagang pagbabago sa lipunan.
“Ang mga araw na ito ay hindi lamang para sa pag-aalala sa mga mahal nating yumao kundi pati na rin para sa paggunita sa mga banal, bayani at martir ng simbahan at kilusang paggawa, na inialay ang kanilang buhay sa pagkakamit ng katarungang panlipunan. Kinikilala rin namin ang mga biktima ng Pagpaslang sa Digmaan laban sa droga ng Administrsyong Duterte at iba pang paglabag sa karapatang pantao,” ayon sa mensahe ni Matula na ipinadala sa Radio Veritas.
Paalala pa ng Opisyal ng FFW ang pag-alala sa Pilipinas ng pagpaslang ng mga naging biktima ng madugong War on Drugs Campaign at paniniil o pagpaslang sa hanay ng mga manggagawa.
Simula noong 2016 ay umaabot sa anim hanggang tatlumpung libo ang naitalang kaso ng pagpatay kung saan sa bilang, 72 ang mula sa hanay ng mga labor leader.