468 total views
Pinalawak pa ng Hapag-asa Integrated Nutrition Program ang ilulunsad na feeding program sa Marawi city sa Lanao Del Sur, Mindanao.
Ayon kay Florinda Lacanlalay – Program Consultant ng Hapag-asa, sa November 02 ay aabot na sa 15,200 mga batang estudyante ang mapapakain ng feeding program ng Hapag-asa katuwang ang institusyon ng Assisi Development Foundation, Gawad Kalinga at Sea Oil Foundation.
Higit itong mataas mula sa naunang 3-libong mag-aaral na inaasahang mapakain noong Setyembre nang inilunsad ang feeding program sa 26-paaralan sa Marawi.
“In 26 schools in Marawi, so we have sent the food packs and then Gawad Kalinga will help us in the cooking kasi ang sinasabi nila it would help the teachers if there would be volunteers from Gawad Kalinga who’d be helping them cook the food and feed the children,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Lacanlalay.
Sa tulong naman ng Sea Oil Foundation ay sisimulan ang proyekto sa pagtatanim ng mga gulay para sa mga magulang ng mga mag-aaral.
Ito ay upang matulungan silang magkaroon ng sariling suplay ng pagkain at makapagsimula ng maliit na negosyo.
Paanyaya naman ng Hapag-asa sa mga nais maging volunteers at magbahagi ng donasyon sa isasagawang feeding programs ang pagtawag sa numero bilang (8)6321001 to 03.
2017 ng maganap ang digmaan sa Marawi City sa pagitan ng sandatahang lakas ng Pilipinas laban sa Maute terrorist group kung saan 360-libong nawalan ng tirahan.