1,869 total views
Inilunsad ng Our Lady of the Holy Rosary Parish sa Valenzuela ang feeding program para sa mga kabataang kulang sa timbang.
Ang ‘Barangay Bayanihan Kitchen’ ay sa pakikipagtulungan ng parokya kasama ang CDO-ODYSSEY Foundation at Sangguniang Barangay ng Maysan.
Ayon sa kura paroko na si Fr. Prospero Tenorio, aabot sa 100 mga bata na kulang sa timbang ang benepisyaryo ng feeding program.
Layunin ng ‘Barangay Bayanihan Kitchen’ ang pagpapaigting ng mga programang makatutulong sa pangangailangan ng nasasakupang pamayanan.
Sinabi pa ng pari na ang programa ay isang hakbang upang maipadama ang diwa ng pagmamalasakit sa kapwa lalo’t naghahanda ang kristiyanong pamayanan sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesus.
“Upang konkretong maipahayag ang pagsilang ng Panginoon sa puso ng bawat isa, ang Commission on Social Action ng paglingkod ng ating parokya kasama ang CDO-ODYSSEY Foundation ay magkatuwang upang sa gayon ay konkretong maipadama at maipahayag ang pag-ibig ng Diyos lalo na sa higit nangangailangan.” pahayag ni Fr. Tenorio sa Radio Veritas.
December 1 nang ilunsad ng parokya ang ‘Barangay Bayanihan Kitchen’ na magtatagal ito hanggang February 2023.
Binigyang diin ni Fr. Tenorio na kasabay ng pagbuti ng kalusugan ay ang pangangalaga sa espiritwalidad ng mamamamayan sa pamamagitan ng katesismo.
Kasabay ng pagpapakain sa mga bata, isinasagawa rin ng parokya ang katesismo sa mga magulang upang higit na maunawaan ang pananampalatayang kristiyano at mga turo ng simbahan.
Naniniwala si Fr. Tenorio na sa ganitong paraan ay ganap na maipalaganap ang misyon ng simbahan na lingapin ang pangangailangan ng mamamayan.
“Makita nila na ang ganap na pananampalataya ay hindi lamang tumutukoy sa head level, pagtalima, pagsasabuhay ng pananampalataya at ang puso naman ang kumakatawan sa buhay panalangin para at least integral, buo at ganap nating maihatid na paghubog sa ating pamayanan.” ani Fr. Tenorio.
Ang parokya ay itinuturing na isa sa malalaking pamayanan ng Diocese of Malolos na nakasasakop sa 14 na barangay ng Valenzuela City.