899 total views
Hindi sang-ayon ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association sa panukalang “rush hour fare hike” ng ibang transport groups.
Nilinaw ni Ricardo Rebaño, pangulo ng FEDOJAP na ang panukala ay dagdag pasanin lamang sa mga commuter na apektado ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, pangunahing bilihin at inflation rates.
Ang “rush hour fare hike” ay layuning dagdagan ng piso hanggang dalawang piso ang kasalukuyang 12-pesos minimum fare sa mga pampublikong jeepneys tuwing umaga at hapon.
Inamin ni Rebano na dagliang na ring nakakabawi ang mga jeepney driver sa bansa matapos ipatupad noong nakaraang buwan ng Oktubre ang 12-pisong minimum fare sa mga public utility jeep o PUJ
Ipinagpasalamat din ng pangulo ng FEJODAP ang hindi paniningil ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng 500-pisong “fare matrix charge” sa mga kukuhang jeepney drivers.
Ibinahagi naman ni Rebaño na bagamat bahagyang bumuti ang kalagayan ng mga manggagawa sa transport sector ay hindi pa rin nakabalik sa pamamasada ang mayorya ng 60-libong jeepney drivers.
Patuloy din ang panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan na ipatupad ang mga polisiyang tutulungan ang mga manggagawa na mapabuti ang pamumuhay.
Nakasaad naman sa katuruang panlipunan ng simbahan na dapat isaalang-alang ang kapakanan ng mga mamamayan higit na ng mga mahihirap tuwing magtaas ang presyo ng mga bilihin ng produkto at serbisyo.