268 total views
Tutol si Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) National President Zeny Maranan sa panukalang ipasailalim sa kooperatiba ang mga driver at operator upang bigyang-daan ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng Department of Transportation.
Ayon kay Maranan, suportado ng FEJODAP ang programang modernisasyon subalit hindi ang pagbubuo ng isang kooperatiba ng mga maliliit na tsuper at operator para lamang maka-utang sa bangko na magdudulot ng mabigat na pasanin sa kanila.
“Ayaw po namin ng cooperative dahil nangyayari po iyan sa kalakan ng kooperatiba ngayon na may mga namumuno diyan na kapag hindi nakapagbayad sa kanila yung operator ay idina-drop nila yung unit at pinapalitan nila ng iba na kawawa po talaga kapag nakamiyembro ka sa kooperatiba,” ani Maranan sa Radio Veritas.
Nabatid na inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DOF) ang P2.26 bilyong subsidiya sa mga pampasaherong jeep upang palitan ng electronic, solar at Euro-4 jeepney ang mga PUV na may labing limang taon pataas.
Kaugnay nito ay inaasahang makakahiram ng hanggang 1.6-miyong piso ang bawat tsuper depende sa uri ng maaprubahang unit kung saan P80,000 rito ang sasagutin ng gobyerno habang ang balanse ay kanilang babayaran sa loob ng pitong taon.
Sisimulan ng pamahalaan ang pagbibigay ng sudsidiya sa 250 jeepney sa tatlong pilot areas kasama na ang Senate Employees Transport Service Cooperative Inc., Taguig Transport Service Cooperative at Pateros-Fort Bonifacio Transport Service Multipurpose Cooperative na pumasa kwalipikasong itinakda ng Landbankof the Philippines.
Kaugnay sa implementasyon ng PUV modernization program, inihayag ni Associate Professor Giovanna Fontanilla, head ng UST Public Affairs ang kanselasyon ng klase sa lahat ng antas para makaiwas ang mga estudyante sa matinding traffic dulot ng transport strike na isinagawa ng PCDO-ACTO sa Metro Manila bilang protesta sa PUV modernization.
Sa kanyang ensiklikal na Laudato Si, hinihikayat ni Pope Francis ang bawat mananampalataya na huwag tangkilikin ang mga pampublikong sasakyan na nagbubuga ng maitim na usok na pangunahing sanhi ng polusyon sa hangin at pagbabago ng klima sa mundo.