13,500 total views
Simbolo ang Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ng walang hanggang pagmamahal ng sanlibutan kay Hesus at pagtataguyod ng katarungan sa lipunan.
Ito ang mensahe ni Federation of Free Workers National President Atty.Sonny Matula sa paggunita ng kapistahan na ngayong taon ay ginugnita sa temang “Ibig naming makita si Hesus”.
“Ang pagdiriwang na ito ay isang simbolikong paggunita sa pag-ibig at sakripisyo ni Hesukristo, na makikita sa Juan 3:16 – isang talata na nagpapakita ng walang kapantay na pagmamahal ng Diyos. Ang Traslación ay sumasalamin sa paglalakbay ni Hesus sa lupa, ang kanyang karanasan sa Kalbaryo, at ang kanyang walang kapantay na sakripisyo para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ito ay kinakatawan ng imahen ni Hesus na naglalakad ng walang sapin sa paa, pasan ang krus patungong Bundok ng Kalbaryo.” ayon sa mensahengipinadala sa Radio Veritas ni Atty. Matula.
Kasabay ito ng katiyakan na lalahok sa Traslacion ang marami sa mga kasaping hanay ng FFW.
Ito ay bilang pagpapahayag ng pasasalamat ng mga manggagawa at pinaigting na pananalangin upang makamit ng sektor ang isinusulong na apela.
“Ang Traslación ay hindi lamang isang engrandeng selebrasyon; ito ay isang pagkakataon para sa Simbahang Katoliko na palalimin ang pananampalataya ng mga deboto kay Kristo. Narig ko kay Msgr. Jose Clemente Ignacio, rector ng Minor Basilica ng Itim na Nazareno, ang Traslación ay pangunahing tungkol sa paglipat ng imahen ng Itim na Nazareno, na nasa Pilipinas na ng mahigit 400 taon.” ayon pa sa mensahe ni Atty. Matula na ipinadala sa Radio Veritas.
Bilang isang abogado ay inalala rin ni Matula ang pakikiisa sa Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno noong Dekada ’90 bilang isang estudyante upang iparating sa Panginoon ang mga panalangin na makapasa at maging huwarang abogado sa kanilang larangan.
Ngayong taon ay magbabalik ang nakagawiang Traslacion kung saan patuloy ang paalala ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila ang pagsusuot ng facemask at pagsunod sa mga minimum health protocols upang makaiwas mula sa banta ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.