190 total views
Pinuri ng pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang adminsitrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paglutas ng ilang suliranin sa bansa sa nakalipas na tatlong taong pamamahala.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, ipinakikita ng kasalukuyang administrasyon ang pagkalinga sa mga Overseas Filipino Workers sa pamamagitan ng pagresolba sa usapin tulad ng tanim-bala sa NAIA, ang paniningil ng 550 terminal fee, ang talamak na pagnanakaw ng mga kawani ng paliparan sa mga bagahe at pangingikil sa mga OFW.
“For us at the CBCP-ECMI, we give credit to the administration because with his [President Duterte] administration our OFWs feel that they are protected, taken care of and appreciated,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Samantala, umaasa naman ang Obispo na unahin ang kapakanan ng mga Filipino sa pag-uulat ng Pangulong Rodrigo Duterte sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) sa ika – 22 ng Hulyo.
Binigyang diin ni Bishop Santos na dapat lumikha ang pamahalaan ng mas maraming mga trabaho sa Pilipinas para sa mamamayan upang maiwasan na ang pangingibang bansa na minsang kaakibat ay karahasan ang nararanasan ng iilan.
“The SONA should speak about “Filipino first,” that is to create jobs here so that our countrymen will never be forced to go abroad for works and give priority to our Filipino to work here in our own country,” ani pa ni Bishop Santos.
Batay sa pag-aaral ng IBON Foundation naitala lamang ang 81, 000 nalikhang trabaho ng kasalukuyang administrasyon noong 2017 at 2018 dahilan upang mas maraming Filipino ang piniling magtrabaho sa ibayong dagat dahil sa kawalan ng oportunidad sa bansa.
Sa survey naman ng Pulse Asia lumabas na higit sa 17 porsyento sa mga Filipino ang umaasang talakayin ng pangulo ang kalagayan ng mga manggagawa sa bansa tulad ng usapin ng pasahod at kontraktuwalisasyon habang ang iba naman ay ang tugon sa paggalaw ng presyo sa mga pangunahing bilihin na higit kinakailangan ng mga ordinaryong mamamayan.
Hinimok pa ni Bishop Santos ang pangulo na manindigan para sa bayan at matulungan ang mamamayan na magkaroon ng kabuhayan bilang tugon sa lumalalang kahirapan sa bansa.
“Raise up the flag. Create jobs which are stable and secured, humane and dignified,” dagdag pa ng pinuno ng CBCP-ECMI.
Bukod dito ay umaasa rin ang pinunong pastol ng Balanga na isulong at itaguyod ng pamahalaan ang kapakanan ng bansa at mamamayan laban sa mga banta ng karahasan at kaguluhan.
Kabilang na dito ang paggalang sa karapatang pantao at karapatan sa teritoryong sakop ng Pilipinas tulad ng West Philippine Sea.
“Let our people live safely and at peace, so promote and protect our people and our lands because to protect is to safeguard them from destruction and from death,” giit ng Obispo.
Umaasa ang Obispo na maging mapayapa ang nalalapit na SONA ng Pangulong Duterte at marinig ng mamamayan ang tunay na kalagayan ng bansa at ang kasagutan sa mga hinaharap na suliranin ng lipunan.