2,734 total views
Ikinalugod ng Pontificio Collegio Filippino ang pagtanggap sa Filipino Baby Bishops na kasalukuyang nasa Roma para sumailalim sa paghuhubog bilang mga bagong pastol ng simbahan.
Ayon kay PCF Rector Fr. Gregory Ramon Gaston, ang mga bagong talagang obispo ay naglilingkod sa iba’t ibang bahagi ng daigdig na tanda ng mas malawak na pagmimisyon ng mga Pilipino na kamakailan ay nagdiwang ng ika – 500 taon ng kristiyanismo.
“Welcoming our Filipino Bishops assigned in the Philippines, Papua New Guinea, Japan, the US, the Holy Land and in the Vatican allows us to experience in a special way the Universal Church,” pahayag ni Fr. Gaston sa Radio Veritas.
Kabilang sa mga dadalo sa formation course ng Dicastery For Bishops ng Vatican at Regina Apostolorum para sa baby bishops sina Bishop Charlie Inzon ng Apostolic Vicariate of Jolo Sulu; Bishop Pablito Tagura ng Apostolic Vicariate of San Jose sa Occidental Mindoro; Bishop Anthoy Celino, Auxiliary Bishop ng Diocese of El Paso sa America; Bishop Joseph Durero ng Diocese of Daru-Kiunga, Papua New Guinea; at Bishop Edgar Gacutan ng Diocese of Sendai sa Japan.
“All new Bishops come to Rome to attend a 10-day conference to orient them with the role of Bishops and the Church’s thrust in service and evangelization,” ani Fr. Gaston.
Bukod sa formation program may pagkakataon din ang mga obispo na makipagpulong sa Kanyang Kabanalan Francisco at bumisita sa iba’t ibang tanggapang pinamumunuan ng mga cardinal at obispo sa Roman Curia.
Binigyang diin ni Fr. Gaston na malaking tungkulin ang ginagampanan ng mga bagong obispo lalo’t tatlo rito ay nagsisilbi sa mga lugar na minorya lamang ang katoliko na isang pagsasabuhay sa temang ‘Gifted to Give’ sa ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo sa bansa.
“Indeed, our Bishops, Priests, Religious and Lay people share the gift of Faith worldwide, in the Church, families, and wherever they are for work, study or even recreation,” saad ni Fr. Gaston.
Kabilang sa tumanggap sa baby bishops sa PCF sina Cardinal Luis Antonio Tagle ang Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization; Archbishop Tito Yllana ang Apostolic Nuncio sa Holy Land; at Ambassador Myla Grace Macahilig ang kinatawan ng Pilipinas sa Holy See gayundin sa iba pang paring nanunuluyan sa PCF na nag-aaral sa iba’t ibang institusyon sa Roma.