384 total views
Hinimok ng Filipino missionary ang mga Pilipino sa Middle East na makiisa sa Synod on Synodality bilang tugon sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ayon kay Franciscan Capuchin Fr. Troy De Los Santos, Vicar General ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA), mahalaga ang pakikiisa ng mananampalataya sa paglago ng Simbahang Katolika.
Batid ng pari ang pagkakaiba ng tradisyon at kulturang kinagisnan ng mamamayan subalit iginiit na si Hesus lamang ang tanging ilaw na gumagabay sa bawat isa.
“Mga kapatid, ang panawagan sa atin ng simbahan yung sinodo, mahalagang magkaisa tayo bagamat iba-iba ang ating pananaw sa buhay, pinaggalingan, pinaghuhugutan sa buhay pero sa kabila nito ay sama-sama tayong maglalakbay dahil iisa ang ating sinusundan at tinitingnan upang hindi tayo maligaw, si Hesus,” bahagi ng pagninilay ni Fr. De Los Santos.
Ang paanyaya ni Fr. De Los Santos sa mga Pilipino sa Middle East ay kasabay nang ginanap na closing mass ng yearlong celebration ng 500 Years of Christianity sa Saint Joseph Cathedral sa United Arab Emirates.
Giit ng misyonero na sa pamamagitan ng pagsunod kay Hesus ay magbubuklod ang pamayanan at maiiwasan ang kalituhan at pagkaligaw ng landas.
Pinaalalahan din ng pari ang bawat mananampalataya sa walang hanggang Awa ng Diyos na iginagawad sa tunay na nagsisi sa kasalanan bilang paggunita sa kapistahan ng Banal na Awa.
Umaasa si Fr. De Los Santos na suportahan ng Overseas Filipinos ang mga inisyatibo ng AVOSA sa Synod on Synodality diocesan level upang makapagbalangkas ng preparatory document na isusumite sa Vatican bago ang gaganaping Synod of Bishops sa 2023.