13,590 total views
Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang mga magulang na pagtuunan ang pagbibigay ng sapat na nutrisyon sa mga bata.
Ayon kay CBCP-ECHC executive secretary, Camillian Father Rodolfo Vicente “Dan” Cancino, mahalagang sa tahanan pa lamang ay nauumpisahan na ang pagbibigay at pagkakaroon ng kaalaman hinggil sa tama at sapat na nutrisyon sa mga bata upang lumaking malusog ang pangangatawan.
Ang panawagan ni Fr. Cancino ay kaugnay sa pagdiriwang ng National Nutrition Month 2024 ngayong Hulyo na naglalayong palawakin ang kamalayan at pakikilahok ng iba’t ibang sektor ng lipunan upang suportahan ang Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023-2028.
“Hinihimok ko ang mga magulang na magbigay, paglaanan ng tamang nutrisyon ‘yung mga bata. Hindi ibig sabihin na ito ay usong pinapakain sa mga bata ay ito na ‘yung mas nutritious na pinapakain. Kapag minsan, madali na rin ‘yung ready-made, ‘yung panandalian na lang. Iba pa rin talaga ‘yung may nutrisyon na para sa mga bata,” ayon kay Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Iminungkahi rin ng pari ang pagsasagawa ng urban o backyard farming sa mga tahanan sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga prutas at gulay sa mga recycled plastic bottle o iba pang sisidlan kung saan bukod sa pagkakaroon ng masustansyang pagkain ay makatutulong din ito sa pangangalaga sa kalikasan.
Nanawagan din si Fr. Cancino na suportahan ang HAPAG-ASA Integrated Nutrition Program bilang pagtugon ng simbahan sa suliranin ng kagutuman at malnutrisyon sa mga musmos sa bansa.
“Kailangan din ito ng talagang commitment, kailangan ito ng mga taong mas malawak ‘yung pag-iisip tungkol sa ating nutrisyon…Tatandaan natin, tayo ay magkakaugnay, at maganda rin na may konting sakripisyo tayo. ‘Yung ating konting maia-ambag para sa mga batang nagugutom, mga malnourished ay pagbibigay-buhay para sa kanila,” ayon kay Fr. Cancino.
Ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-50 Nutrition Month na nagsimula noong 1974 sa bisa ng Presidential Decree 491 o ang Nutrition Act of the Philippines.
Tema ng Buwan ng Nutrisyon ang “Sa PPAN: Sama-sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat” kung saan na naglalayong pagtuunan ang PPAN 2023-2028 upang mapabuti ang nutrisyon ng bansa, at matugunan ang pangunahing sanhi ng malnutrisyon tulad ng kawalan ng katiyakan sa pagkain at kahirapan.