468 total views
Nanawagan ang SVD Philippines sa mga Filipino na aktibo at matalinong makisangkot sa nakatakdang May 9, 2022 national at local elections.
Sa isang opisyal na pahayag na ibinahagi ng Divine Word Missionaries kasabay ng Dakilang Kapistahan ni San Jose, iginiit ng kongregasyon ang kahalagahan ng pakikisangkot ng bawat isa maging ng Simbahan sa paghahanda sa kabuuang proseso ng halalan.
Ayon sa SVD Philippines, bahagi ng moral at prophetic duty ng mga Kristiyano’t Katoliko ang pagsusulong ng kabutihan ng nakararami sa pagpili ng karapat-dapat na mga opisyal ng bayan.
Sinabi ng SVP Philippines na maituturing na pagtataksil sa misyon at tawag ng Simbahan ang pananahimik at pagsasawalang bahala sa mga nagaganap sa lipunan.
Ipinaalala ng kongregasyon na kinabukasan ng bansa at mamamayan ang nakataya sa darating na halalan.
Ipinagdarasal ng kongregasyon ang matalinong paghalal ng mga botante ng mga lider na muling makapagbabalik ng kultura ng buhay, katotohanan, katarungan at ganap na demokrasya ng bansa.
“In this crucial period of political transition, it is our prophetic and moral duty to speak out. To say nothing would be a betrayal of our calling and mission. So much is at stake in the coming elections. The choice of good leaders will play a vital role in restoring the culture of life and democracy, truth and justice that had been so trampled upon in recent years.” pahayag ng SVD Philippines.
Kabilang sa mga kongkretong rekomendasyon ng SVD Philippines ay ang pagtiyak na bumoto ang lahat; pagbubuo ng circles of discernment sa bawat komunidad; ang pagpapalaganap ng voters’ education;pakikisangkot at pakikibahagi sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) upang matiyak ang katapatan at kaayusan ng nakatakdang halalan.
Nagbahagi naman ng apat na pamantayan ang SVD Philippines para sa matalinong pagpili ng mga botante ng mga bagong lider ng bansa.
Kabilang dito ang karakter ng isang kandidato na pagpapamalas ng katapatan at paggalang sa karapatang pantao ng kapwa; ang kakayahan at kagalingan kung saan dapat may sapat na karanasan, academic achievement at maayos na track record ang isang kandidato.
Binigyang diin rin ng Divine Word Missionaries na mahalaga ang commitment ng mga kandidato sa ganap na pagsusulong ng dignidad ng bawat mamamayan sa lalu na ang mga maralita at mga katutubo.
Tinukoy rin ng SVD Philippines na mahalaga ang kredibilidad ng isang kandidato na sumusunod sa mga batas, nagbabayad ng buwis, walang bahid katiwalian at hindi kabilang sa political dynasty.