172 total views
Pinaalalahanan ng CBCP Episcopal Commission on Youth ang mga kabataan na aktibong makilahok sa selebrasyon ng taon ng parokya sa susunod na taon (2017).
Ayon kay Father Kunegundo Garganta, Executive secretary ng komisyon, mahalagang maranasan ng mga kabataan ngayong pasko hanggang sa susunod na taon ang buhay parokya sa sarili.
Inihayag ng Pari na mahalaga ang pakikilahok sa pamayanan na nag-uugat sa pananampalataya sa Diyos.
“Maganda po na paalalahanan natin ang ating mga kabataaan lalu na ang ating paglalakbay para sa papasok na taong 2017, ay nagpapaanyaya para sa karanasan na maging parokya ang ating buhay kung saan sama-sama ang iba’t-ibang mga maliliit na pamayanan. Siguro magandnag tutukan ng ating kabataan yung karanasan ng pagbabalik na parang nagbabalik sa isang pamilya at ito yung ating parokya kung saan ating inuugat ang ating buhay sa pananampalataya,” paliwanag ni Father Garganta.
Nais ng pari na maranasan ng mga kabataan na hindi sila nag-iisa at mayroong kaugnayan sa kapwa ang kanilang paglalakbay patungo sa pananampalataya.
“Mahalagang maranasan ng bawat kabataan na maging kaisa ng pamayanan para sa pagdiriwang ng taon ng parokya. This is really a beautiful way of living, really the motto of our journey towards 2021. At maraming paanyaya sa ating mga kabataan sa pagdiriwang ng kapaskuhan na maging may pagtingin hindi lamang sa sariling kasiyahan at kagalakan kundi makita na ang pagdanas ng kasiyahan ay inilalahok ang iba, ito ang karanansan ng pagbabalik,” pahayag ng pari.
Ngayong taong 2016, nagdiriwang ang Pilipinas ng taon ng “pamilya at eukaristiya” at sa 2017 ay taon ng parokya na bahagi ng limang taong paghahanda para sa selebrasyon ng ika-500 taon ng katolisismo sa bansa na gaganapin sa Cebu City sa 2021.