326 total views
Umalis na patungong Roma ang Filipinong Pari na itinalaga bilang Vice Director ng Order of Friars Minor o Franciscans Justice, Peace, and Integrity of Creation (JPIC) Office na si Rev. Fr. Angelito Cortez, OFM.
Sa isinagawang Mission Sending Mass para kay Fr. Cortez ay nagpahayag ng pasasalamat ang Pari para sa lahat ng mga suporta at panalangin sa kanyang bagong tungkuling dapat na gampanan sa Roma.
Ayon kay Fr. Cortez, mahirap man ang umalis sa gitna ng patuloy na krisis na dulot ng pandemya ay hindi naman nito mahahadlangan ang kanyang pagtugon sa panibagong misyong iniatas ng Panginoon.
Pababahagi ng Pari, bagamat hindi madali ay simple lamang ang naituro sa kanya ng Panginoon na pagiging bukas ng puso at sarili sa bawat isa upang maging daluyan ng pagmamahal at biyaya para sa lahat ng mga nangangailangan.
“Sa lahat po ng mga nagmamahal, sumusuporta, tumutulong hindi po madaling umalis sa gitna ng krisis na ito, marami po ng bagay ang inatas ng Diyos sa akin sa nagdaang mag-aapat na taon o tatlong taon, hindi po madaling maging daluyan ng tulong para sa lahat ng nangangailangan pero simple lamang po ang tinuro sa akin ng Panginoon na ang taong bukas at taong marunong magbigay, ang taong handang tumanggap sa grasya ng Panginoon ay patuloy niyang pagpapalain kahit gaano pa kahirap ang panahon.”mensahe ni Rev. Fr. Cortez
Naniniwala rin si Fr. Cortez na ang kanyang pag-alis ay maituturing din na isang tanda ng pagmamahal at pagtitiwala ng Diyos na tumawag at pumili sa kanya upang gampanan ang panibagong tungkulin bilang tapat na lingkod ng Simbahan.
Tiniyak naman ng Pari ang pagsusumikap na magampanan ang kanyang bagong tungkuling hindi lamang para sa kongregasyon kundi para sa buong Simbahang Katolika.
Ayon kay Fr. Cortez, buo ang kayang tiwala sa paggabay ng Panginoon upang mapagtagumpayan ang mga hamon na hatid ng kanyang bagong posisyon.
“Ang akin pong pag-alis tanda ng pagmamahal ng Diyos saan man tayo tawagin, nakakatakot man, hindi man natin alam ang hinaharap pero hinding hindi tayo pababayaan ng Diyos.” Dagdag pa ni Fr. Cortez.
Samantala, nagpaabot rin ng suporta at panalangin si Rev. Fr. Cielito R. Almazan, OFM, Minister Provincial ng OFM Franciscan Province of San Pedro Bautista sa Pilipinas para sa panibagong misyon at tungkuling dapat na gampanan ni Fr. Cortez sa Roma.
Ayon kay Fr. Almazan, tiwala siya sa kakayahan at kapasidad ni Fr. Cortez upang magampanan ang mas malaking misyon para sa buong kongregasyon.
Paliwanag pa ni Fr. Almazan ang pagsisilbing misyunero ni Fr. Cortez sa Roma ay maituturing din ng isang pagsasabuhay sa tema ng Year of Missio Ad Gentes sa paggunita ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas na “Gifted to Give”.