1,087 total views
Ipinanalangin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang maayos na pamamahala ng bawat bansa sa usaping pinansyal. Ito ang mensahe ng Santo Papa para sa prayer intensiyon ngayong Mayo.
Binigyang diin ng punong pastol ng simbahang katolika na ang pananalapi ay nararapat gamitin sa paglilingkod sa nasasakupan at sa kabutihang panlahat.
“Finance is a tool of service, a tool to serve people and to take care of the common home,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Kinilala ng santo papa ang kahalagahan ng pananalapi sa pagpapatakbo ng ekonomiya ng isang bansa na dapat gamitin sa wastong pamamaraan upang mapakinabangan ng bawat mamamayan lalo’t higit ang labis nangangailangan.
Sinabi ng Santo Papa na ang kawalang sapat na pamamahala sa pananalapi ay lubhang mapanganib partikular na sa mahihirap na sektor ng pamayanan.
“Finance, if not regulated, becomes pure speculation animated by monetary policies. This situation is unsustainable. It’s dangerous; to prevent the poor from paying the consequences again, financial speculation must be strictly regulated,” dagdag pa ni Pope Francis.
Sa Pilipinas ayon sa datos ng Bureau of Treasury umabot na sa 10.77-trilyong piso ang utang ng bansa nitong Marso 2021. Mas mataas ito ng 33.2-percent kumpara sa 8.47-trilyong piso noong 2020.
Paliwanag ng kawanihan na ang paglaki ng utang Pilipinas ay bunsod ng pinaigting na Build Build Build program ng gobyerno at ang pagtugon sa coronavirus pandemic.
Dalangin ni Pope Francis ang maayos na pamamahala sa pananalapi upang mabigyang proteksyon ang mamamayan.
“We pray for finance leaders to work with governments to regulate financial markets and protect citizens in danger; We still have time to start a process of global change to put into practice a different, more just, inclusive, sustainable economy that leaves no one behind,” ani Pope Francis.