199 total views
Kapanalig, dahil sa pandemya, marami sa atin ang napilitang makisabay sa bilis ng teknolohiya ngayon. Tayo ay napiliting gumamit ng mga online banking systems pati online wallets para lamang makabili ng pagkain at iba pang pangangailangan sa tahanan. Nuong kahitikan ng mga surges o pagsipa ng mga COVID 19 cases, maraming mga Filipino ang umasa sa mga online transactions para sa kanilang mga esensyal na pangangailangan.
Kaya lamang, malaking porsyon ng ating mga mamamayan ang hindi nakakasali o nagkakaroon ng pagkakataon para sa mga online transaksyon. Hindi kasi simple para sa kanila ang makalahok dito. Dito pumapasok ang isyu ng financial inclusion.
Kapanalig, hindi lahat ng mamamayang Filipino ay malayang nakakalahok sa kalakalang nagaganap sa Internet o ang e-commerce. Para makasali kasi ang sinuman dito, mayroong mga requirements na balakid para sa marami, lalo na ang mga maralita.
Unang-una, kailangan nito ng gadgets gaya ng smartphones, tablet, o laptop o computer. Kailangan din nito ng internet connection. Bago mo makuha ito, kailangan mo ng pera, at yan ang di mapanghawakan ng marami nating mga kababayan, lalo pa nasa panahon pa lamang tayo ng pagbangon.
Pangalawa kapanalig, salik din sa sa isyu na ito ang financial literacy, pati na ang kakayahan ng mga mamamayan sa matematika. Dito sa Metro Manila hindi po natin yan binibigyang pansin, pero marami sa ating mga kababayan, lalo na sa mga malalayong lugar at rural areas, ang kailangan pa ng tulong dito. Ang simpleng pagbilang ay building block ng tao sa financial literacy at dapat mahasa ito sa murang edad pa lamang, lalo ngayong mas digital na ang transaksyon.
Kapanalig, ang mga pagbabago sa teknolohiya ay oportunidad upang lahat ay magkaroon ng pantay pantay na access sa merkado. Kung ating lamang mai-a-ayos ang digital infrastructure ng bansa at mahahasa ang abilidad sa basic math ng marami nating kababayan nangangailangan nito, mas dadami ang makakalahok sa merkado. Sa ngayon, tinatayang nasa mahigit 51 milyong Filipino ang “unbanked” sa ating bansa.
Ang financial inclusion kapanalig ay matuturing na ring karapatan ng tao dahil ito ay nagsisiguro na ang mga mamamayan ay may access sa mga financial products at services na makabuluhan at useful para sa kanila, at syempre kailangan nila. Ang simpleng ilustrasyon nito, kapanalig, ay halimbawa, elderly ka, hirap ka na maglakad, at nag-iisa ka sa bahay. Pipila ka pa ba sa mga bayad centers o mga opisina ng service providers para magbayad? Kakayanin mo po ba?
Ayon sa Economic Justice for All, obligasyon natin na tiyakin na ang ating lipunan ay nakatutok sa pangangailangan ng mahihina at mahirap ay naka-ugat sa ating pananalig bilang Kristyanong Katoliko. “The obligation to evaluate social and economic activity from the viewpoint of the poor and the powerless arises from the radical command to love one’s neighbor as one’s self.” Those who are marginalized and whose rights are denied have privileged claims if society is to provide justice for all.
Sumainyo ang Katotohanan.