199,183 total views
Limitado ang pagkaunawa ng maraming mga Filipino ukol sa financial inclusion. Marami sa atin, basta mapabilang o makasali lamang sa mga e-wallets o mga financial platforms, tinuturing na agad itong financially inclusive. Hindi ganun kasimple ito, kapanalig, at panahon na upang mas lumawak pa ang ating pag-unawa sa financial inclusion.
Ayon sa Bangko Sentral, ang financial inclusion ay “state where there is effective access to a wide range of financial services, lalo na para sa mga marginalized at vulnerable sectors.” Sa depinisyon na ito, malalaman natin na para maging epektibo ang financial inclusion, maraming uri ng financial services ang dapat nating ma-access. Sa ngayon, marami sa atin, tila nakokontento na sa iisa, gaya ng mga e-wallets. Isip natin, sa pamamagitan nito, nakaka-access na tayo sa mga iba ibang financial products na makakatulong sa atin.
Ang totoo, bitin pa rin kapanalig, kapag e-wallets lamang ang gamit natin. At minsan pa nga, kung isa lamang ang gamit natin, nabibiktima pa tayo ng monopoliya. Kung biglang nasira ang app, wala ka ng access sa mga serbisyong pinansyal na gamit na natin sa araw araw. Dapat, kapanalig, alamin din natin ang iba pang paraan upang maitaas pa natin at matiyak ang financial inclusion sa ating bansa.
Isa sa mga epektibong paraan upang maitaas ang antas ng financial inclusion sa bansa ay ang pag-gamit ng bangko. Hindi lamang ang pag-iimpok ang magagawa natin dito. Ngayon, makakabayad na tayo sa iba ibang merchants gamit ang mga banking app, makakapag loan tayo para sa ating kabuhayan o kahit pa sa pabahay, at makaka-invest din. Sa pagbabangko, nagkakaroon tayo ng access sa mga financial services na makakatulong para maka-angat ang mga kabuhayan at kalidad ng buhay.
Sa ngayon, kapanalig, patuloy na tumataas ang antas ng financial inclusion sa ating bansa. Ayon nga sa Bangko Sentral, noong 2019, umaabot sa 51.2 million ang unbanked sa ating bansa. Nitong 2022, naging 34.3 million na lamang. Nabawasan na ang unbanked pero marami pa rin. Upang patuloy na mabawasan ito, kailangan natin harapin ang mga hadlang sa financial inclusion sa ating bansa.
Sa lahat ng mga manggagawa sa ating bansa, ang mga farmers o magsasaka sa ating bayan ang itinuturing na pinaka-unbanked. 73% sa kanila ay walang mga pormal na bank accounts. Marapat na tingnan ang kanilang sitwasyon upang sila ay maka-access sa iba ibang financial services ng bayan. Ang iba pang hadlang sa financial inclusion ay ang kalidad ng internet connection, lalo na sa mga rural areas, ang kakulangan ng mga banking facilities, kakulangan ng mga documentary requirements gaya ng mga required IDs, pati na rin ang mga cybercrimes gaya ng phishing at identity theft.
Hindi makatarungan, kapanalig, na may naiiwan sa ating mga mga kababayan, lalo na’t financial inclusion o pera ang usapan. Ang pagka-iwan dito ay nangangahulugang kahirapan, na ayaw nating maranasan ninuman. Paalala sa atin ng Evangelii Gaudium, bahagi ng Panlipunang turo ng Simbahan: Today we also have to say “thou shalt not” to an economy of exclusion and inequality. Such an economy kills.
Sumainyo ang Katotohanan.