55,254 total views
Napakahalaga ng financial inclusion sa ating bayan. Kapag inclusive ang ating merkado at ekonomiya, mas maraming Pilipino ang maiaangat sa kahirapan. Kaya lamang, sa ating bayan, ang financial inclusion ay hindi nauunawaan ng marami nating kababayan.
Ayon sa Bangko Sentral, ang financial inclusion ay isang estado o kalagayan kung saan ang tao ay may epektibong access sa mga pangpinansyal na serbisyo, lalo na sa mga bulnerableng sektor. Pag sinabing epektibo, kapanalig, hindi lang ito limitado sa access. Sakop din nito ang kalidad, pagiging user-friendly, pati presyo at design ng mga financial products and services.
Ano nga ba, kapanalig, ang mga financial services? Kasama nito ang savings, financing, investments, pati insurance. Kasama rin dito ang mga financing platforms na tumutulong sa pag-access ng mga produktong ito – gaya ng mga e-wallets, banking apps, at iba pa.
Napakahalaga ng financial inclusion dahil ito ay haligi ng ating ekonomiya. Ang financial inclusion ay instrumento na tumutulong para sa sustainable development ng bayan. Ito ay rin instrumento sa pagkakapantay-pantay o equality ng mga mamamayan.
Sa ngayon, kapanalig, tinatayang 42% na ng mga retail payments sa bansa ay digital na, at higit pa sa 41 million ang may active e-wallet accounts. Mayroon na nga rin mga purely digital banks sa ating bayan. Mabilis ang paglago nito, lalo na noong panahon ng pandemic. Maliban sa tawag ng panahon, tawag na rin kasi ito ng pangangailangan.
Ang financial inclusion ay mas mahalaga ngayon tutukan hindi lamang dahil sa paglaganap ng teknolohiya, kundi dahil na rin sa paglaganap ng mga sakuna o disaster sa ating bayan. Dahil sa climate change, mas malalakas na ang bagyo, mas mainit na ang tagtuyot, mas madalas na ang mga daluyong at pagbaha. Mas mainam na mas marami ang may access sa financial services dahil pag panahon ng sakuna, hindi na nahihirapan ang mga mamamayan maka-access sa funds o finances na kailangan nila para makabangon.
Ang isa sa mga malaking hamon sa financial inclusion ay ang access ng mga mamamayan na nasa mga rural areas kung saan ramdam pa ang digital divide. Marami pa ring areas sa ating bayan ang limitado ang internet access at tinatayang mga isang milyong mamamayan ang wala pang digital connections. Ang ganitong sitwasyon ay malaking balakid sa epektibong financial inclusion na dapat matutukan ng bayan ngayon.
Si Pope Francis mismo, sa isang pahayag sa World Bank at International Monetary Fund, ay nagdiin sa kahalagahan ng financial inclusion. Binahagi niya na umaasa siyang magkakaroon ng mga matalinong solusyon para sa mas inclusive at mas sustainable na kinabukasan para sa lahat -isang kinabukasan kung saan ang finance ay “at the service of the common good, where the vulnerable and the marginalized are placed at the center, and where the earth, our common home, is well cared for.” Nawa’y maabot natin itong aspirasyon na ito sa ating bansa.
Sumainyo ang Katotohanan.