420 total views
Isa sa mga mahahalagang konsepto na dapat maunawaan at maisapuso ng ating mga mamamayan ay ang financial literacy. Maraming mga Filipino ang hindi pa ma-alam ukol sa temang ito, at makikita ito sa savings at spending mentality ng marami nating mga kababayan.
Alam mo ba kapanalig na pagdating sa pera, ang laging bukambibig ng karamihan sa atin ay wala sila nito, o di kaya laging kulang. Marami rin ang nagsasabi na ang pera, parang dumadaan lamang sa kanilang kamay.
Hindi natin masisi ang marami sa ganitong mga karanasan sa pera dahil maliit naman talaga ang kita ng marami nating mga kababayan. Pero maliban sa liit ng sweldo, may iba pa kayang rason kung bakit wala o kulang ang budget ng marami nating mga kababayan?
Ayon sa isang survey ng World Bank, ang Pilipinas ang may pinaka-mababang financial literacy sa buong Asya. Nasa 25% lamang ito kumpara sa 59% sa Singapore, 52% sa Myanmar, at 36% sa Malaysia.
Maliban dito, mga anim lamang sa sampung Filipino ang nagsasabi na pinaplano nila kung paano gagastusin ang kanilang pera, at 57% naman ang nagsasabi na may naaiwan pa silang pera matapos magbayad sa mga bills o bayarin. Ayon din sa survey, 20 milyong Filipino ang nag-iimpok, pero sampung milyon lamang ang may bank accounts.
Isa sa mga mahahalagang tema ng financial literacy ang pag-iimpok. Isa itong ugali na dapat nating tinuturo sa lahat kahit bata pa lamang. Ang magtabi ng kaunti para sa hinaharap ay mainam na preparasyon para sa darating na mga araw.
Liban sa pag-iimpok, kailangan din matutunan ng mga mamamayan ang pag-pa-plano ng paggasta ng pera pati na rin ng access to credit. Kadalasan kasi pag-short na sa pang-gastos, sa utang na lumilingon ang mga kababayan natin. Dahil sa gipit, kumakapit na sila kahit kanino, at hindi nakikita na hindi na makatarungan ang interes na kanilang binabayaran. Sa halip na tulungan sila ng utang na makatawid sa hirap, lalo pa sila nitong binabaon sa kahirapan. Kaya’t napakahalaga na bago umutang, kailangang pag-aralan mabuti ang mga terms and conditions nito bago kumubra.
Kapanalig, ang financial literacy malaking hamon sa ating bayan, lalo pa’t laging bitin ang sahod ng mamamayan. Ang pagtaas ng kaalaman at kamalayan ng mga mamamayan dito ay isang paraan upang maisulong ang kaunlaran para sa lahat. Ang financial literacy ay isang daan tungo sa panlipunang katarungan, isa sa mga prinsipyo ng ating Simbahan. Ito ay makapangyarihang instrumento na makakapag-bigay ng pantay na oportunidad sa lahat, kahit ano pa ang antas niya sa lipunan. Ito ay daan tungo sa financial freedom – kalayaan mula sa mapang-alipustang kapit ng kahirapan. Sabi nga sa Deus Caritas Est: the aim of a just social order is to guarantee to each person, according to the principle of subsidiarity, his share of the community’s goods.
Sumainyo ang Katotohanan.