470 total views
Kapanalig, ang financial literacy napakahalaganng skill o kasanayan na dapat matutunan natin ngayon. Isa ito sa mga maaring susi ng ating pag-unlad.
Alam mo ba kapanalig, na ayon sa Central Bank, 25% lamang ng mga Filipinong adults ang may kaalaman sa mga basic financial concepts? Ayon pa sa isang pag-aaral Standard & Poor’s, nasa bottom 30 ang ating bansa sa 144 na bansa pagdating sa financial literacy.
Ano nga ba ang financial literacy, kapanalig? Ito ay ang kasanayan ukol sa paghawak ng pera, pagba-budget, pag-iimpok, pangungutang, pag-i-invest, at pag-aalaga ng mga ari-arian o assets.
Makikita natin ang ebidensya nito sa mga pangyayari sa ating lipunan. Halimabawa, kapanalig, marami sa ating mga kababayan ang nahuhuli sa bitag ng pag-utang. Marami sa mga bilihin, kahit pa sa mga mall, halimbawa, ay ino-offer sa murang monthly installments. Dahil mura ang bayad kada hulog, akala ng marami, mura talaga. Pero, hindi nila alintana na doble na pala ang bayad nila dahil sa interes.
Isa pang hamilbawa makikita natin na laging nangyayari sa mga tindahan sa palengke. Kadalasan, umuutang sila sa 5/6 para may pang-puhunan. Araw-araw silang nagbabayad pero pakiramdam nila ay parang di natatapos ang utang. Di nila inakala na puro interese pa lamang ang nababayaran nila. Sa laki nito, duon lamang napupunta ang bayad nila.
Kapanalig, dapat na itong mabago. Ang kahinaan natin sa financial literacy sa lebel ng individual pati sa negosyo ay ikakalugi ng ating pamilya. Ito rin ay may epekto sa ating ekonomiya. Kapag said lagi dahil sa maling financial decisions ang mga mamamayan, pagdating sa mga panahon ng emergencies, walang madudukot sa lukbutan ang mga tao. Sa halip na maitutok sa tunay na maralita ang serbisyo, mahahati pa ito. At kung pati taong gobyerno ay hindi maayos ang paghawak ng pera, paano na?
Kailangan mamulat tayong lahat sa kahalagahan ng kaalaman at kasanayan ukol sa paghahawak at pagpapalago ng ating kita at properties. Ito aya mahalagang responsibilidad ng bawat isa sa atin. Hindi lamang tayo ang makikibang kung magtatagumpay tayo. Ma-se-secure natin ang ating kinabukasan dahil dito, pati ang ang kinabukasan ng ating mga mahal sa buhay. Matutulungan din natin ang ating komunidad at bayan kung maayos ang paghawak natin ng kayamanang ipinagkatiwala ng Panginoon sa atin. Ang pagpapalago ng pera, gaya ng negosyo ay isng dakilang bokasyon, ayon nga sa Laudato Si. Kapag maayos nating nagagawa ito, nagbubukas tayo ng oportunidad sa pag-unlad sa ating kapwa.
Sumainyo ang Katotohanan.