213 total views
Marami sa ating mga kababayan ang naghahanap ngayon ng mga pandagdag na pondo upang maka-ahon sa kahirapan. Maraming mga negosyante ang nangangailangan ng mas malaking kapital upang mas lumawig pa ang kanilang negosyo. Meron din tayong mga kababayan na naghahanap ng mahihiraman ng konting salapi para sa pambayad sa matrikula, o di kaya sa pagka-hospital. Marami sa kanila ang sawi sa paghahanap ng karagdagang budget. Naranasan nila na sa ating bayan, mahirap pala ang access sa mga pautang o credit. Nalaman nila na hindi pala tunay na financially inclusive ang bayan.
Ano ba ang financial inclusion, kapanalig?
Ayon sa Bangko Sentral, ang financial inclusion ay isang estado kung saan lahat ng mamamayan ay may epektibong access sa serbisyo at produktong pinansyal gaya ng savings o pag-iimpok, credit o pautang, payment, at insurance.
Isang simptomas ng kawalan ng financial inclusion, kapanalig, ay ang hindi pantay-pantay na access sa bangko. Kita naman natin na sa mga pangunahing syudad, napakaraming branches o sangay ng bangko, habang sa mga probinsiya o kanayunan, kaunti lamang o minsan wala. Sa Metro Manila, halimbawa, may 3.5 banks para sa 10,000 katao, habang sa ARMM, isa lamang para sa 100,000 na katao. Kaya nga’t hindi nakakapagtaka na 35% pa ng ating bayan ang tinatawag na “unbanked.”
Mahina din ang access to credit sa ating bayan, lalo ngayong panahon ng pandemya. Ayon sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank, marami sa ating maliliit na negosyante ang naglabas na ng budget mula sa sariling lukbutan para lamang maka-survive ngayong panahon ng pandemya. Nakita rin ng pag-aaral na 33.5 percent ng ating mga MSMEs ang nangutang sa mga kamag-anak at 16.7 percent ang nag-apply para sa bank loans nuong lockdown. 4.8 percent lamang ng mga MSMEs ang nakahiram sa mga banko.
Napakahalaga ng financial inclusion, kapanalig. Ito ay bahagi ng panlipunang katarungan. Sa pamamagitan nito, tayo ay aktibo, produktibo, at kampanteng nakakalahok sa lipunan, na ayon sa Economic Justice for All ng mga US Bishops, ay tungkulin natin lahat na dapat naman bigyang daan ng lipunan.
Kapanalig, sana ngayon ng pandemya, napagtanto natin ang kahalagahan ng financial inclusion. Ang malaking kawalan nito sa ating bayan ay nagdulot ng ibayong paghihirap sa marami nating kapwa Filipino. Hindi na sana ito maulit muli.
Sumainyo ang Katotohanan.