2,605 total views
Duda ang samahan ng mga mangingisda sa pahayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matutugunan ang kagutuman sa bansa.
Ayon kay Fernando Hicap, national chairperson ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya o PAMALAKAYA, walang matatag na programa ang bansa para lutasin ang kahirapan at kagutuman.
Sinabi pa ni Hicap na sa loob ng isang taong panunungkulan bilang Pangulo, nanatili pa rin ang mapanirang dredging reclamation lalo na sa Manila na nakaapekto sa mga pangisdaan.
“Kung dito sa Manila Bay, dahil dito sa dredging reclamation 80% ng total na production bago mag-reclamation and dredging sa Manila Bay ang nawala sa mga mangingisda natin kaya karamihan sa mga mangingisda natin ay dumadayo na at syempre kapag nagdayo ‘yan mataas yung gastos at ang pinakamasakit at hindi talaga katanggap tanggap, sinira nito yung ating ecosystem.” ayon kay Hicap.
Giit pa ni Hicap na ayon din sa natanggap nilang ulat, may 70 porsiyento ng mga mangingisda sa West Philippine Sea ang nawalan ng kita simula 2021.
Binigyan diin pa ng Pamalakaya na ang tunay na konsepto ng food security ay hindi sa pamamagitan ng pag-aangkat ng produkto sa ibayong dagat kundi ang pagkakaroon ng sapat na ani ng mga lokal na mangingisda at magsasaka.
Dagdag pa ni Hicap, “Kapag meron na tayong food supply, domino effect ‘yan kung mapapababa natin ‘yung produksyon, gastos natin sa produksyon bababa din yung (presyon ng) pagkain sa ating bayan.”
Giit pa ng grupo, wala ding tugon ang administrasyong Marcos laban sa Chinese Commercial Fishing Vessel at pagtuloy na pananakot sa mga mangingisdang Filipino ng mga Chinese.
Una na ring nanawagan ang simbahan lalo na ang Caritas Philippines ng pagbibigay tuon ng pamahalaan sa mga magsasaka at mangingisda upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa nang hindi na kailangan ang umangkat sa ibang bansa.