229 total views
Idaaan sa tamang proseso at imbestigasyon ang mga drug suspect at huwag patayin.
Ito ang mariing panawagan ng Free Legal Assistance Group o FLAG sa gitna ng dumaraming napapatay na mga pinaghihinalaang suspek ng paggamit at pagbebenta ng illegal na droga.
Ayon kay Coikie Diokno, secretary-general ng FLAG, hindi dapat sugpuin ang krimen ng isa pang krimen o ang pagpatay sa mga suspect sa halip na hulihin at litisin sa korte.
Nanindigan si Diokno na hindi sapat na dahilan ang intillegence report o mga pagbibintang at akusasyon lamang sa isang suspek upang patayin.
Ipinaalala ni Diokno na tungkulin ng otoridad na mangalap ng ebidensiya at iharap sa hukuman ang mga suspek upang mahatulan base sa mga ebidensiya na nakalap.
“Hindi makatarungan na ang mismong pagpatay ng walang ebidensiya. Dito po nagkakamali ang pag-iisip at pagtingin ng mga tao kasi ang tingin nila kapag may intelligence report kapag may police report ay sapat na yun. Hindi ebidensiya ang intelligence. Nakakatakot na puro tsismis ang basehan ng mga police sa pagpatay.”pahayag ni Diokno
Inihayag ni Diokno na nagsisikap ang kanilang grupo na mabigyan ng tamang edukasyon ang mga tao hinggil sa mga pangunahing karapatang pantao ng bawat mamamayan na nilalabag ng mga otoridad sa war on drugs.
Inamin ni Diokno na mayroon ng pamilya ng mga biktim ng extra-judicial killings ang lumalapit sa kanilang tanggapan upang humingi ng tulong at makapagsampa ng kaso sa police na pumatay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Kaugnay nito, binuhay ng FLAG ang kanilang “anti-death penalty task force” na tututok sa mga pagpatay, salvaging o yung tinatawag na extrajudicial killing.
Sa pinakahuling datos ng PNP, 316 drug suspects na ang napapatay sa war on drugs ng Duterte administration.