411 total views
July 12, 2020, 12:18PM
Inihayag ng Obispo ng Diocese of Imus ang ginagawang pagsusuri at paghahanda ng diyosesis para sa flexible learning ng mga mag-aaral sa mga Catholic schools ng diyosesis sa gitna ng patuloy na banta ng Coronavirus Disease pandemic sa bansa.
Ayon kay Imus Bishop Reynaldo Evangelista,chairman ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, pinag-aaralan na din ng pamunuan ng mga Katolikong paaralan sa diyosesis ang kapasidad ng bawat pamilya na makasabay sa inaasahang mga pagbabagong ipatutupad sa sistema ng edukasyon.
Paliwanag ng Obispo, kabilang sa mga sinusuri ay ang pagkakaroon ng naaangkop na gadget, internet connection at sitwasyon o kalagayan sa buhay na dapat ikinukonsidera upang maging patas sa lahat ng mag-aaral ang ipatutupad na sistema ng edukasyon sa lahat ng Catholic schools at maging congregation schools sa diyosesis.
Sinabi ni Bishop Evangelista na maari ding maglagay ang diyosesis ng kakailanganin ng mga estudyante sa mismong mga parokya o parish halls upang matulungan ang mga mag-aaral na hindi masayang ang kanilang panahon upang makapag-aral.
“Dito sa amin sa diocese yung aming mga Catholic schools and even yung mga congregation schools ay may tinatawag na flexible learning at yun ay inihahanda namin at inaaral na rin gaya ng sinasabi din ng DepEd kung ano yung capacity nung mga pamilya, yung estudyante kung may connection bang internet sa bahay at kung ano pa mang mga dapat na i-consider at kung kinakailangang dalhan ng mga materials for sa isang parish church o sa parish hall at maraming paraan para matulungan ang mga bata para hindi masayang ang panahon para mag-aral…”paglilinaw ni Bishop Evangelista sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang sinuspendi ng Department of Education (DepEd) ang face-to-face classes ng mga mag-aaral kung saan inaasahan ang pagpapatupad ng distance learning approach simula sa ika-24 ng Agosto upang matiyak ang kaligtasan ng mga kabataan sa COVID-19.
Batay sa tala ng DepEd noong ika-30 ng Hunyo, umabot sa 15,907,786 na mga mag-aaral ang nagpatala para sa school year 2020-2021 kung saan sa bilang na ito mahigit 670-libo ang nagpatala sa mga pribadong paaralan.
Mas mababa ito kumpara sa bilang na 27-milyong estudyante mula kindergarden hanggang Grade 12 noong nakalipas na taon.
Sa tala ng catholic Directory of the Philippines ang Diocese of Imus ay mayroong 2 seminaryo at 80 educational centers na kinabibilangan ng kindergarten, Grade schools, high schools, vocational, colleges at universities.