395 total views
Kapanalig, kapag panahon ng habagat, ang matinding pagbaha ay isa sa mga pinakamalaking problema ng ating bayan. Maraming mga lugar sa ating bansa ang lumulubog sa matataas na baha na hindi lamang nakaka-disrupt sa ating araw-araw na pamumuhay, nakakasira pa ito ng gamit at kabuhayan, at sa maraming pagkakataon, nakamamatay pa.
Regular na nangyayari ang pagbaha sa ating bayan, pero bakit kaya ang nagiging tugon ng marami sa atin ay parang limitado na lamang sa paghahanda para dito, at pag-eevacuate kung masyado ng mataas? Bakit tila limitado sa disaster-risk reduction na lamang ang mga estratehiya ng bayan at maraming mga LGUs? Meron bang komprehensibong plano ang ating bayan para sa flood resilience and prevention sa ating bayan, o nakatutok na lang tayo sa adaptation at disaster prevention?
Kapanalig, kailangan komprehensibo na ang ating pagtugon sa isyu ng pagbaha sa ating bayan. Taon-taon, sa halip na mabawasan ang mga araw at lugar na binabaha, parang nagdadagdagan pa ito. Ayon sa Climate Change Knowledge Portal ng World Bank, mula 1980 hanggang 2020, ang pagbaha ay bumubuo ng mahigit pa sa 24% ng mga disasters na nangyari sa ating bayan kada taon.
Kailangan ng bayan ng mga flood protection infrastructure. Gawa tayo ng gawa ng kalye, pero pagdating ng tag-ulan, halos lahat ng mga kalye na ito ay hindi na madaanan dahil sa pagbaha. Maaari bang iba naman ang gawin natin? Magdagdag naman tayo ngayon sa ating budget ng pagsasaayos at pagpapalaki ng drainage facilities and infrastructure sa ating mga syudad. Unahin naman kaya natin ang pag-modernize ng ating flood prevention infrastructure? O pwede kayang simulan natin sa umpisa – maglabas naman muna tayo ng drainage map, kahit dito lamang sa NCR. Siguraduhin naman natin na tama ito alam natin ang direksyon at slope ng drainage sa mga syudad natin.
Ang pagbaha, kapanalig, ay lalala pa sa darating na panahon, lalo pa’t tumataas ang sea levels ng mundo at sinasabayan pa natin ito ng paglikha ng sangkatutak na basura na bumabara sa mga daluyan sa ating kapaligiran. Kailangan natin maghanda para sa mga maaring maging epekto nito hindi lamang para sa ating henerasyon, kundi para sa mga darating pa. Obligasyon ng nasyonal at lokal na pamahalaan na paghandaan ito, dahil ayon nga sa Rerum Novarum, ang mga lider ng bayan ang siyang naatasang maniguro sa kaligtasan ng lipunan at ng lahat ng miyembro nito. Wika nito: “The conservation of the community is so emphatically the business of the supreme power, that the safety of the commonwealth is not only the first law, but it is a government’s whole reason of existence.”
Akuin naman sana ng kasalukuyang administrasyon ang pagsasaayos ng flood resilience ng ating bayan. Unahin sana ito at iprayoridad.
Sumainyo ang Katotohanan.