437 total views
Sinuspendi sa Diocese of Butuan ang nakagawiang pagbabahagi ng personal na katesismo sa mga kabataan kaugnay sa tradisyunal na Flores de Mayo ngayong taon.
Sa liham sirkular ni Butuan Bishop Cosme Damian Almedilla ay inihayag ng Obispo na dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic sa kalusugan at kapakanan ng bawat isa ay kinailangang muling suspendihin ang nakaugaliang gawain sa diyosesis tuwing buwan ng Mayo.
Ayon sa Obispo, bagamat hindi maaari ang face-to-face Catechesis sa mga kabataan edad 14-na-taong-gulang pababa ay maaari namang patuloy na makapagbahagi ng katesismo kaugnay ng Flores de Mayo sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan ng online o virtual catechesis.
Bukod sa virtual catechesis ay ipinapayo rin ni Bishop Almedilla ang pagsasagawa ng iba pang mga gawain online tulad ng virtual rosary, at virtual sharing upang patuloy na makapagpahayag ng pananampalataya at maranasan ng mga kabataan ang diwa ng Flores de Mayo.
Ipinaliwanag ng Obispo na bagamat nanatili ang banta ng COVID-19 ay hindi naman dapat ito maging hadlang sa patuloy na pagpapamalas ng pananampalataya.
Attached: Diocese of Butuan – Circular Letter 21-10 Re: Flores De Mayo in times of Covid-19 Pandemic