186 total views
Kinumpirma ng Malacanang na epektibo na sa ika-25 ng Nobyembre ang nilagdaang Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng Freedom of Information.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, maari ng makakuha o magrequest ang publiko ng kopya ng mga government documents simula sa naturang petsa ng implementasyon ng naturang batas.
Bukod dito, pagbabahagi pa ng Kalihim, dumaan na sa kauukulang mga pagsasanay ang mga kawani ng pamahalaan para sa naangkop na pagtanggap at pagproseso ng isang opisyal na dokumento.
Kaugnay nga nito, sakop ng Executive Order na nilagdaan ni Pangulong Duterte isang araw bago ang kanyang unang State Of the Nation Address o SONA ang lahat ng Departamento at Line Agencies na nasa ilalim ng Executive Branch tulad ng mga state universities at Local government units upang tuluyang masugpo ang katiwalian sa pamahalaan.
Samantala, batay sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey noong nakalipas na taon, lumabas na 56- porsyento ng mga Business Executives sa bansa ang nagsasabing talamak na ang kurapsyon sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan, sa pangunguna ng Bureau of Customs, Senado at Kamara.
Kaugnay nga nito, nauna ng pinuri at pinasalamatan ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity si Pangulong Duterte sa pagtupad nito sa isa sa kanyang pangako noong panahon ng kampanya na paglagda sa Executive Order kaugnay ng FOI na layuning maibalik ang kredibilidad sa pamamahala ng mga opisyal ng bansa.