315 total views
March 9, 2020 3:03PM
Pinaalalahanan ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang mananampalataya na bukod sa paghuhugas ng kamay ay pinakamabisang paraan sa pag-iwas sa corona virus disease 2019 ang pagdadaup palad sa pananalangin sa Diyos.
Binigyang diin ni Bishop Santos na sa panahong malaking banta sa kalusugan ng mamamayan ang COVID 19, dapat palakasin ang pananalig sa Panginoon na pinagmumulan ng mga biyaya partikular ang buhay ng tao.
“Simple yet practical, easy yet effective way to prevent Coronavirus is our hand, always fold your hands in prayer. Turn to God, and trust Him; God is always in control of everything.”pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Santos na dapat manatiling malusog ang pangangatawan ng bawat isa at panatilihin ang kalinisan ng katawan.
Ipinayo naman ng Obispo na iwasan ang pakikipagkamay, paghalik sa kamay, magtakip ng panyo kung nababahing at nauubo lalo’t naisasalin ang virus sa pamamagitan ng talsik ng laway at sa halip yumukod lamang bilang paggalang sa kapwa.
Sa mga panuntunang inilabas ng CBCP hinimok din nito ang mananampalataya na iwasan ang paghahawak kamay sa Ama Namin at pagbibigay ng kapayapaan upang makaiwas sa pagkakahawa-hawa alinsunod na rin sa kautusan ng Department of Health.
Sa tala ng World Health Organisation mahigit tatlong libo na ang nasawi dahil sa COVID 19 na karamihan ay mula sa China ang pinagmulan ng virus habang higit sa isandaang libo naman ang infected kabilang na ang sampung positibong kaso sa Pilipinas kung kinumpirma rin ng DOH ang kaso ng local transmission.
Payo ni Bishop Santos sa mananampalataya na kasabay ng ibayong pag-iingat ang higit na pananalig sa Diyos.
“Hand in everything to God, hold unto Him,” giit ni Bishop Santos.