2,485 total views
Nanawagan ang tagapagsalita ng Bantay Bigay sa pamahalaan na suportahan ang mga magsasaka upang hindi na umangkat pa ng bigas ang Pilipinas.
Naniniwala si Bantay Bigas Spokesperson Zenaida Soriano na kung maipatupad ang tunay na land reform
at mabigyan ng tamang subsidy ang mga magsasaka ay mas magiging mayabong ang produksiyon sa Pilipinas.
“Kung magkakaroon tayo ng genuine agrarian reform, tapos magkakaroon talaga ng subsidy, tutulungan talaga
ng gobyerno ang mga magsasaka ay uunlad ang kanilang industriya. Talagang mula sa production hanggang sa marketing ng mga magsasaka, para sa ganun umunlad yung ating bansa,” pahayag ni Soriano sa Radyo Veritas.
Samantala, sa kasalukuyan inaprubahan ng National Food Authority Council ang pag-aangkat ng bigas sa pamamagitan ng G2P o Government to Private scheme para magkaroon ng imbak na bigas ang ahensiya sa pagsapit ng lean months mula Hulyo hanggang Septyembre.
Ayon kay Secretary to the Cabinet at NFA Council Chairman Leoncio Evasco, sa ilalim ng G2P scheme, papayagan ang mga private supplier mula sa ibang bansa na lumahok sa bidding process.
Sa datos ng International Rice Research Institute (IRRI)noong 2016, tinatayang 2.4- milyon ang mga rice farmers sa Pilipinas ngunit mas mababa pa rin ang produksyon ng Pilipinas kumpara sa mga rice producers sa East
at Southeast Asia gaya ng Vietnam at Indonesia.
Samantala, nagpahayag din ng pagkabahala ang Kanyang Kabanalan Francisco sa unti-unting pagkaubos
ng mga magsasaka dahil sa kawalan ng suporta ng pamahalaan at sa pag-agaw sa kanilang mga lupa.