294 total views
Mga Kapanalig, sa isang Facebook post kamakailan, may ganitong sinabi si CBCP President at Kalookan Bishop Ambo David: “A nation that treats its villains like heroes and its heroes like villains has nowhere to go but down the drain.” Wala raw mararating ang isang bayang itinuturing na bayani ang mga umaapi at nananamantala sa kanila, at itinuturing na kaaway ang mga nagmamalasakit at nag-aalay ng buhay para sa kanila.
Ikinadismaya, ikinalungkot, at (marahil) ikinagalit ni Bishop Ambo ang paglalagay at pagharang ng trapal at tent sa tapat ng rebulto ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr sa Tarlac City noong nagsagawa roon ng campaign rally ang tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte. Marami ang nabastusan sa ginawang iyon ng mga nag-organisa ng campaign rally at sa pagpapahintulot ng pamahalaang lungsod na gawin iyon sa monumento ng bayani ng demokrasya. Ang pagpatay kay Ninoy noong Agosto 1983 ang isa sa mga itinuturing na mitsa ng makasaysayang People Power Revolution sa EDSA noong 1986. Tubong Tarlac si Ninoy, gayundin ang asawa niyang si Cory. Inilagay ang rebulto niya sa plaza ng lungsod bilang pagpaparangal sa pag-aalay niya ng kanyang buhay upang bumalik ang demokrasyang sinupil ng mapang-abusong rehimen.
“The Filipino is worth dying for” ang isa sa mga sikat na sinabi ni Ninoy, at ito ang naging parang slogan nga ng mga nagmamahal sa ating bayan. Pero sa ginawang pambabastos sa kanyang alaala sa Tarlac, naitanong tuloy ni Bishop Ambo: worth dying for nga ba talaga ang mga Pilipino? Baka mali raw ang paniniwalang ito ni Ninoy kung para sa mismong mga ipinaglaban niya ay walang saysay ang kanyang pagkamatay, ang pagdaloy ng kanyang dugo sa tarmac ng Manila International Airport na nagpaalab sa hangarin ng mga Pilipinong ibalik ang kalayaan at demokrasya sa ating bayan mula sa napakahabang panahong nasa kamay ni Marcos ang lahat ng kapangyarihan.
Siguro nga, tayo ay isang bayang madaling makalimot, isang bayang may amnesia, isang bayang walang pinagkatandaan. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Fratelli Tutti, madali para sa marami ang magsabing kalimutan na ang mga nangyari noon at harapin na lang ang kinabukasan. Tutol ang Santo Papa sa ganitong pag-iisip. Sabi niya, hindi tayo makakasulong nang hindi nililingon ang nakalipas. Hindi tayo uusad kung hindi tayo tapat sa ating alaala ng nakaraan. “Forgetting is never the answer,” dagdag pa niya.
Ang mga rebulto at monumento ay isa lamang sa mga paraan upang manatili sa ating alaala ang mga taong may ginampanang mahalagang papel sa ating kasaysayan, lalo na ang mga nag-alay ng kanilang buhay para sa mas malaking adhikain. Hindi natin sila kailangang idolohin o sambahin dahil hindi rin naman sila mga perpektong tao, pero marapat lamang na alalahanin natin ang halimbawang isinabuhay nila at ang aral na iniwan nila upang manatiling nag-aalab ang tinatawag ni Pope Francis na “collective conscience.” Ito ang konsensya natin bilang isang bayan—isang konsensyang dapat pakinggan lalo na sa mga panahong mayroong mga tao at grupong nais makamit ang kapangyarihan para sa sariling interes o para magpalaganap ng kasamaan.
Mga Kapanalig, ang People Power Revolution noong 1986 at ang maraming pangyayaring nagsilbing pundasyon nito, kabilang ang pagpatay kay Ninoy, ay maituturing na mga himala. Wala man tayo sa kalagayang gusto nating makamit noong pinatalsik ng mga Pilipino si Ferdinand Marcos, baka nasa mas malala tayong kalagayan ngayon kung nagpatuloy tayo sa pamamahalang walang boses ang mamamayan. Kaya gaya nga ng nasasaad sa Mga Awit 77:11, ating gunitain ang maraming kahanga-hangang ginawa ng Diyos. Bahagi nito ang paggunita at paggalang sa mga bayaning nag-alay ng kanilang sarili para sa kalayaang tinatamasa natin ngayon.